(Pagtitiyak ng PPCRV)  WALANG DAYAAN SA HALALAN

Halalan

TINIYAK ng church-based poll watchdog na walang dapat na ipag-alala ang publiko dahil walang naganap na dayaan sa May 13 midterm elections.

Ayon kay Agnes Gervacio, ang media director ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), na accredited citizen’s arm ng Commission on Elections (Comelec), nasa 99.98% ang accuracy level ng bilangan kaya’t walang dapat na ipag-agam-agam ang mga mamamayan.

“Wala po kaming nakikitang dahilan para magkaroon ng agam-agam,” ani Gervacio, sa panayam sa radyo.  “So far, so good po,” aniya pa.

Aniya pa, sa obserbasyon din ng libo-libo nilang volunteers ay “really good” ang pagdaraos ng midterm elections.

Sa kabila naman nito, nagpahayag ng paniniwala si Gervacio na maaari pang higit  na  paghusayin ang automated elections sa bansa para sa mga susunod na eleksiyon.

Ang PPCRV ang naatasang magsagawa ng voters’ education, at unofficial parallel count sa midterm polls.

Mahalaga rin ang ginampanan nila para sa ‘check and balance’ ng resulta ng boto dahil sila ang nag-e-encode at nagkukumpara ng mga physical election returns sa electronic transmission ng mga boto.    ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.