INAASAHAN na naman ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa loob at labas ng Metro Manila dahil sa paggunita ng Mahal na Araw.
Bukod sa paggunita, sinasamantala rin ito ng mga Pilipino upang magbakasyon sa kani-kanilang mga probinsya dahil sa long weekend, samantalang ang iba naman ay nagtutungo sa mga beach upang magtampisaw dahil pormal na ring nagsimula ang panahon ng tag-init.
Naging karaniwan na ang ganitong sitwasyon tuwing Semana Santa kung kaya pinaghahandaan ito kada taon ng pamahalaan pati na ng pribadong sektor, ilang mga negosyo na nasa hanay ng travel at turismo, pati na ng mga expressway operator katulad ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation na siyang namumuno sa operasyon at pamamahala ng NLEX.
Bilang isa sa paghahanda, pormal nang binuksan para sa publiko ang unang bahagi ng NLEX Connector road na magdudugtong sa Caloocan at Espana sa lungsod ng Maynila. Ang unang bahagi ng connector road ay may haba na limang kilometro at dadaan sa kahabaan ng C3 Road, 5th Avenue, Blumentritt Road, at Espana.
Dahil sa pagbukas nito, tiyak na mas mapagagaan ang daloy ng trapiko sa Espana, Abad Santos Ave., Rizal Ave., at Lacson Ave. para sa mga motorista, drayber ng malalaking trak, pati na sa mga mag-aaral ng University Belt.
Upang maranasan ang ginhawang hatid nito sa mga motorista, isa pa sa mga magagandang balita ay libre pa sa ngayon ang paggamit nito.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nanguna sa pagbukas ng connector road. Magugunitang una nang sinabi ng Pangulo na layon nitong paiksiin sa limang minuto lamang ang biyahe mula Maynila hanggang Caloocan sa halip na 30 minuto.
Ayon kay Pangulong Marcos, inaasahang magiging mahalagang suporta sa spine expressway network ng Luzon ang NLEX connector road. “Nagtitinginan kami kanina noong sinabi na Manila-Caloocan will be five minutes. Sa buong buhay natin never pa natin nakita ‘yong five minutes na galing Caloocan hanggang Maynila… baka ‘yong ating pangarap ay matupad na,” aniya sa isang ulat.
Dinaluhan din ang pormal na pagbubukas ng kalsada nina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, Metro Pacific Invesments Corporation (MPIC) Chairman Manuel V. Pangilinan, Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) President Rodrigo Franco, at NLEX Corp. President J. Luigi Bautista.
Naniniwala naman si MPIC Chairman Pangilinan na hindi lamang sa pagpapagaan ng trapiko makatutulong ang panibagong kalsada ngunit makatutulong din ito sa pagpapaunlad ng ekonomiya dahil mapabibilis nito ang transportasyon ng mga kalakal at produkto sa merkado, mapapaigting ang productivity ng mga indibidwal, at makatutulong sa pag-unlad ng mga komunidad.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na malaki ang papel na ginagampanan ng mga proyektong imprastraktura at mga kalsada sa pagpapalago ng ekonomiya dahil isa ito sa mga pangunahing konsiderasyon ng mga foreign investor upang mamuhunan.
Dagdag pa, napakalaki rin ng tulong nito sa komersyo at kalakalan kung kaya sana ay mahikayat pa ang mas maraming kompanya upang mamuhunan sa mas marami pang imprastraktura sa Pilipinas upang suportahan ang adhikahin ng Pangulong Marcos ng mas malawak na infrastructure development para sa pagpapaunlad ng ekonomiya na higit naapektuhan ng pandemya.
Sa bandang huli, tayo-tayo rin naman ang mas nakakaalam ng pangangailangan ng bansa kung kaya’t dapat ay magtulungan tayo para sa ikagaganda ng buhay ng mga mamamayan at ng ating ekonomiya.