HINILING ni Senador Christopher Bong Go sa Legislative at Executive branch na magtulungan para sa mas mabilis na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Pinoy sa ibang bansa na kumakatawan sa 10% ng kabuuang populasyon.
Ang apela ay ginawa ni Go sa mga kapwa senador sa isinagawang pagdinig sa mga panukala na may kaugnayan sa overseas Filipino workers.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, kinilala ni Go ang malaking contribution ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa.
Binigyang-diin nito na matagal nang itinuturing na mga bagong bayani ang mga OFW kaya naman panahon na ring ibalik sa mga ito ang mas mabuting serbisyo.
Giit ni Go, lalo na ngayong panahon ng COVID-19 pandemic, dapat din tutukan ang kapakanan ng mga ito kung saan marami ang nawalan ng trabaho at ngayon ay nahihirapan na maibigay ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Inihayag pa ni Go na maraming OFW ang stranded at hindi makauwi sa bansa dahil sa paghihigpit sa biyahe sa buong mundo na nakakadagdag sa psychological stress ng mga ito.
Dagdag pa ng senador, batid naman ng marami kung gaano kalapit kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga OFW kaya naman hindi nito papayagang mapabayaan ang mga ito. VICKY CERVALES
Comments are closed.