(part2)
BABALIK pa ba ang dati nating pamumuhay bago pumutok ang coronavirus pandemic? Maaaring bumalik sa dati ang buhay natin kung madidiskubre ang gamot sa COVID-19 infection. Kapag napalaganap na ang gamot na ito, at mabibili na sa mga botika, magiging parang ordinaryong sakit na ubo, sipon o lagnat na lamang ang coronavirus infection. Mawawala na ang takot ng mga tao sa pagkalat ng nakamamatay na virus. Babalik ulit ang mga sasakyan sa kalsada. Babalik ulit sa mga opisina ang mga manggagawa. Babalik ulit sa paaralan ang mga kabataan.
Sa turo ni Jesus, may ipinahiwatig siyang babalik sa normal ang buhay ng tao. Heto ang sinabi niya: “Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa kapanahunan ni Noe. Ang mga tao noo’y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko… Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao’y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay… Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.” (Lucas 17:26-30)
Sinasabi ni Jesus na sa mga huling araw (at naniniwala akong nabubuhay na tayo sa mga huling araw), ang mga tao ay mamumuhay na parang wala lang. Patuloy lang sila sa normal nilang gawain – nagtatrabaho, nagnenegosyo, nag-aaral, nag-aasawa, kumakain, nagtatayo ng mga gusali, naglalakbay sa iba’t ibang lugar, nagtuturismo, atbp. Walang kamuwang-muwang ang maraming tao na malapit na pala ang pagwawakas ng daigdig. Dahil dito, naniniwala akong ‘di magtatagal at madidiskubre ang gamot sa COVID-19 kaya babalik sa dati ang pamumuhay ng tao.
Subalit sinabi rin ni Jesus, “Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba’t ibang dako. May lilitaw na mga kakaibang bagay at mga kakila-kilabot na kababalaghan buhat sa langit. (Lucas 21:11) Ang salot ng COVID-19 pandemic ay hindi ang katapusan ng istorbo sa ating buhay. Simula lang ito ng mas marami pang mga salot. Darating ang maraming mga “disruptions” sa buhay natin. Disruption ang tawag sa mga hindi inaasahang disaster at gulo na patuloy na mag-iistorbo sa ordinaryo nating pamumuhay. Ito ang magiging bagong normal – ang pagdating ng iba’t ibang disruption sa buhay. Magiging ordinaryo na lamang ang pagdating na mga malalaking istorbo sa buhay. Patuloy na mayayanig ang ekonomiya ng mga bansa sa daigdig. Magiging mahirap ang pagnenegosyo. Maraming tao ang mawawalan ng trabaho o hindi makakahanap ng trabaho. Dahil dito, lalaganap ang taggutom. Malaki ang posibilidad na lumaganap din ang rebelyon, ang paninira ng mga tindahan, ang pagnanakaw, at ang patayan dahil sa pagtatanggol sa sarili. Ang gobyerno natin ay magiging atubili sa pagpigil ng maraming rebelyon. Huwag sanang mangyari ito. Panalangin kong huwag mangyari ito. Subalit nararamdaman kong ito ang posibleng direksiyon ng buhay ng tao.
May mga taong may masasamang kalooban. Dahil nakita nila ang kapangyarihan ng COVID-19 na manakit sa maraming bansa, posibleng mag-imbento ang marami sa kanila ng mga virus na puwedeng gamiting sandata para sa malawakang pagpatay ng kalaban. Hindi lang nuclear bombs ang magiging sandata nila. Mas malupit na sandata ang biological weapons. Dahil dito, tutuparin ng mga tao sa mundo ang hula ni Jesus na darating ang maraming mga salot sa daigdig. Karugtong ng salot ang taggutom, gulo at digmaan. Sinasabi ng Bibliya na maraming mga bansa ang magdidigmaan at magpapatayan. Marahil ay lilitaw ang pinuno sa daigdig na magsasabing may kakayahan siyang lutasin ang maraming problema ng sanlibutan. Subalit sa huli, mabibigo pa rin ang pinunong ito. Tinutupad ng tao ang mga hulang binitiwan ni Jesus.
Dahil sa mga nakapanggigilalas na pangyayaring ito, dapat lang talagang maghanda ang mga tao. May kasabihang “Sapiens qui prospicit.” (Ang marunong na tao ay naghahanda). Dahil malamang na magiging mahirap ang paghanap ng pagkain, dapat ay bumalik tayo sa agrikultura. Magtanim tayo ng mga punongkahoy na nagbubunga ng prutas, gulay, at magparami tayo ng mga hayupang nakakain. Kung marami-rami ang pera mo, magandang bumili ka ng lupang puwede mong tamnan ng pagkain. Magtayo rin tayo ng mga pamayanang Kristyano na magmamahalan at magtutulungan sa panahon ng kagipitan. Kung mayroon kang trabaho at kita, tipirin ang iyong pera. Mag-ipon para sa panahon ng taghirap.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.