DAHIL pa rin sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), mahigpit na munang ipagbabawal ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene ang nakaugaliang pagyayapak o hindi pagsusuot ng anumang sapin sa paa na mga deboto na nais makapasok sa Simbahan ng Quiapo, gayundin ang pagpapahid sa mga imahe ng bimpo, panyo at iba pa sa pista ng Nazareno ngayong araw.
Ayon kay Father Douglas Badong, parochial vicar ng Simbahan ng Quiapo, batid nila na naging tradisyon nang nakayapak ang mga deboto sa pagdaraos ng Traslacion tuwing Enero 9.
Gayunman, ipinaliwanag ni Badong na iba ang sitwasyon ngayon dahil may banta ng COVID-19.
Pinayuhan din niya ang mga deboto na masama ang pakiramdam o may sintomas na ubo, sipon at lagnat, na huwag nang magtungo sa Quiapo.
Ayon kay Badong, maaari namang sa kanilang mga tahanan na lamang makinig ang mga ito ng mga online na banal na misa para sa pista ng Nazareno. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.