NAVOTAS CITY – NAKUMPISKA ng roving jail officers ang 20 reams ng sigarilyo at limang plastic sachets ng pinatuyong dahon ng marijuana na tinangkang ipuslit ng dalawang lalaki papasok sa jail premises sa lungsod na ito.
Ayon kay Navotas City Jail (NCJ) Warden Chief Insp. Ricky Heart Pegalan, dahil sa mahigpit nila na patakaran sa pagbabawal ng mga sigarilyo na itinuturing na kontrabando sa loob ng kulungan, ang mga bisita ay patuloy na nag-iisip ng paraan kung paano ito ipuslit sa loob.
Sinabi ni Pegalan, habang nagsasagawa ng roving inspeksiyon ang naka-duting jail officers na si SJO1 Virgilio Obispo at JO1 Denrec Recamera sa labas ng jail extension facility alas-10:55 ng gabi nang mapansin ng mga ito ang dalawang lalaki na may bitbit na isang green bag.
Nang mapansin ng dalawa ang presensya ng jail officers, mabilis na umalis ang mga ito patungo sa likod na bahagi ng facility at iniwan ang plastc bag na tinangkang ipasok sa loob ng jail.
Dinala ng mga jail officer ang bag sa loob ng jail facility at sa presensya ni SJO4 Christopher Aladin, ang naka-duting officer, kanilang tinignan ang laman ng bag at nadiskubre ang ipinagbabawal na kontrabando sa loob.
Ani Chief Insp. Pegalan, kabilang sa ipinagbabawal sa loob ng NCJ ang mga sigarilyo, illegal drugs, cellular phone, lighters, patalim at electronic gadgets subalit sa kabila nito, marami pa rin ang hindi tumitigil sa paggawa ng paraan kung paano maipuslit ang mga ito sa loob.
Sinabi pa niya na kung sakaling naipasok ang naturang mga sigarilyo sa loob ng jail facility, ibinebenta ito sa P70.00 hanggang P150.00 bawat stick sa mga nakakulong. EVELYN GARCIA
Comments are closed.