PAKIUSAP NG DTI SA PUBLIKO: HUWAG MAG-PANIC BUYING

PANIC BUYING

UMAPELA ang Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko na huwag mag-panic buying ng alcohol, face mask at mga pagkain sa harap ng mabilis na paglobo ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Ito ay kasunod ng pagsugod noong Lunes ng ilang mamimili sa groceries para bumili ng mga pagkain at mga panlinis matapos na mapaulat na posibleng isailalim sa lockdown ang buong Metro Manila dahil sa dami ng mga kaso ng COVID-19.

Ayon kay DTI Sec. Ramon Lopez III, hindi kailangang mag-panic ang publiko dahil hindi naman mauubusan ng laman ang mga grocery.

“Huwag mag-panic at huwag ubusin iyong laman ng grocery,” pakiusap ni Lopez.

Bagaman hindi naniniwala si Lopez na kaila­ngang magpatupad ng lockdown sa Metro Manila, sinabi niyang magiging sapat pa rin ang suplay ng mga bilihin sakaling mangyari iyon.

“’Pag sinabing lockdown, limited man ‘yong movement, makakalabas ka pa rin kung kinakaila­ngan. Gusto naman ng mga grocery na magbenta pa rin sila,” aniya.

Tiniyak din ng kalihim na sapat ang suplay ng alcohol at face mask sa bansa.

Sinabi naman ni  Trade Undersecretary Ruth Castelo na hindi ­maaaring magtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado dahil sa umiiral na ‘price freeze’ makaraang magdeklara ang gobyerno ng public health emergency sanhi ng tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19.

Inatasan na rin, aniya, ng DTI ang mga tauhan nito sa mga rehiyon na tiyaking hindi gagalaw ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DOH) ay umakyat na sa 33 ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Comments are closed.