KUMIKILOS at gumagawa na ng solusyon ang Palasyo ng Malakanyang kaugnay sa nakaambang krisis sa tubig sa Metro Manila.
Layon nito, ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo na hindi na lumala ang problema.
“Eh gagawan natin ng paraan para hindi maging malubha ang krisis na iyan. Kung merong problema eh bibigyan natin ng solusyon. So I think those people who are responsible for that will have to do their job,” ani Panelo.
Tinukoy rin ni Panelo na pinag-aaralan din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hirit ng mga water concessionaire hinggil sa pagtataas ng singil sa tubig.
“Eh lahat ‘yan eh pag-aaralan din ng presidente at gagawa siya ng mga kaukulang hakbang upang magkaroon ng katuparan ‘yung mga sinabi niyang kailangan walang water crisis sa bansa,” giit ni Panelo.
Samantala, nilinaw ni Panelo na hindi gawa-gawa lamang ang nakaambang krisis sa tubig para itulak ang Kaliwa Dam project na popondohan ng China.
Ani Panelo, hindi pa matiyak kung tuloy ang Kaliwa Dam project.
Ang Kaliwa Dam ang sinasabing isa sa maaring solusyon sa kakulangan ng supply ng tubig hindi lamang sa Metro Manila kundi sa irigasyon sa mga lalawigan.
Una nang nagbabala si National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr., na huli na kung hindi magkakaroon ng ‘long-term programs’ ang gobyerno at private concessionaires upang makagawa ng panibagong pagkukunan ng tubig. VICKY C
Comments are closed.