PALASYO KUMPIYANSA: ECONOMY BABAWI

Presidential Spokesman Salvador Panelo-3

TIWALA ang Malakanyang na makababawi ang ekonomiya ng bansa sa mga darating na buwan makaraang bumagal ang paglago nito sa second quarter ng taon.

Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, nagsagawa na ang pamahalaan, sa pamamagitan ng mga economic manager, ng ilang hakbang upang matiyak na mananatiling pangmatagalan ang domestic growth.

“While growth has slowed down in the second quarter of this year, the Office of the President has been assured by our economic managers that this is simply a temporary setback,” ani Panelo.

“The Palace remains optimistic in pursuing our macroeconomic targets despite the challenges we face as a nation,” dagdag pa niya.

Iniulat ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia noong Huwebes na lumago ang ekonomiya ng bansa ng 5.5% sa second quarter ng taon, ang pinakamabagal sa loob ng apat na taon magmula nang maitala ang gross domestic product (GDP) sa 5.1% sa first quarter ng 2015.

Ani Pernia, nakaapekto sa ekonomiya ang El Niño phenomenon, gayundin ang election ban sa construction activities sa kaagahan ng taon.

Ang El Niño ang ­responsable sa pagbaba ng output ng water-sensitive crops tulad ng palay, na bumaba ng 5.5%, at mais ng 8.4%.

Tinukoy rin ng opis­yal ang pagkakaantala sa pagpasa sa 2019 national budget na dahilan ng pagbagal ng paglago ng ekonomiya.

Sinabi ni Panelo na iminungkahi ng National Economic and Development Authority (NEDA), sa pamamagitan ni Pernia, ang paglikha ng isang apex water body upang matugunan ang water crisis na dala ng El Niño at ng mga mekanismo para sa katatagan sa agriculture sector, sa pamamagitan man ng teknolohiya o  insurance program, sa harap ng weather disturbances na dala ng climate change.

Dagdag pa niya, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na magsagawa ng pre-procurement processes upang matamo ang target disbursements sa pagtugon sa economic impact ng naunang ban sa public construction activities.

Pinabibibilisan din, aniya, ng Chief Executive, sa mga ahensiya ang pag-apruba sa permits at require-ments para sa public construction projects.

Comments are closed.