PALASYO TUTOL SA DRUG TEST SA GRADE 4

NAGPAHAYAG ng pagtutol ang Malacañang sa binabalak ng Philippine Drug Enforce¬ment Agen-cy (PDEA) na mandatory drug testing sa mga estudyante mula Grade 4 pataas.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque  na kumbinsido sila sa pananaw ng Department of Education (DepEd) na masyado pang mga bata ang 10-anyos para isailalim sa drug testing.

Hindi umano akma sa isang grade schoolers ang isalang sa drug test na posibleng makaapekto sa pag-iisip ng mga bata na itinuturing na suspek sa isang krimen.

Ayon kay  Roque, dapat ding pakinggan ang panig ng DepEd dahil sila ang higit na nakaaalam at nakauunawa sa sitwayon ng mga mag-aaral.

Ang drug testing umano ay dapat random lamang sa mga nasa senior high school.

Samantala, nilinaw naman ng DepEd na wala pang pinal na desisyon ang ahensiya sa hirit ng PDEA na isailalim sa mandatory drug testing ang mga batang mag-aaral.

Ayon kay DepEd Bicol Regional Public Affairs Office Project Development Officer II Mark Kevin Arroco, natanggap na nila ang official statement mula kay Education Secretary Leonor Briones na nag­hahayag na wala pang agreement sa pagitan ng dalawang ahensiya.

Dagdag pa ng opisyal, nag-uusap pa ang DepEd at PDEA upang masunod ang polisiya at sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act ngunit hindi malalabag ang karapatang pantao ng mga mag-aaral.      NENET L. VILLAFANIA

Comments are closed.