MATAPOS ang kasagsagan ng pandemya, unti-unti nang nagbabalik sa normal ang operasyon ng Meralco. Kung ating maaalala, nang ipatupad ng pamahalaan ang enhanced community quarantine (ECQ), kasama ang Meralco sa kailangang sumunod sa mga protocol nito na siyang naging dahilan upang pansamantalang ihinto ng Meralco ang pagbabasa nito ng metro ng mga customer para sa kaligtasan ng mga customer nito at ng mga empleyado.
Dahil walang aktuwal na pagbabasa ng metro mula ika-16 ng Marso hanggang Abril, ito ay naging dahilan upang pansamantalang i-base sa estimation ang bill sa koryente ng mga customer ng Meralco. Ang estimation ng bill ay pinapayagan ng Energy Regulatory Commission (ERC). Ito ay nakasaad sa Distribution Services and Open Access Rules (DSOAR). Bagama’t pinapayagan ito ng batas, ito ay may kaukulang kondisyon na dapat ay maitama ang bill ng customer base sa aktuwal na nabasang datos mula sa metro nito. Noong Mayo ay nagbalik-operasyon na ang Meralco sa pagbabasa ng metro ng mga customer.
Karamihan ng mga customer ng Meralco ay nakuhanan na ng aktuwal na reading noong Mayo. Marami ang nagulat sa malaking pagtaas ng bill at ito ay nauunawaan ng Meralco. Sa paliwanag ng Meralco, bunsod ng nangyaring estimation ng bill ng mga customer nito para sa buwan ng Marso at Abril, nang makuha ang aktuwal na konsumo ng customer, anumang konsumo na hindi nasingil sa buwan ng Marso at Abril ay idinagdag sa isiningil sa buwan ng Mayo kaya ito tumaas. Sa madaling salita, ang singil na nakapaloob sa buwan ng Mayo ay hindi lamang konsumo noong Mayo kundi may kasama ring konsumo ng customer noong mga nakaraang buwan. Makasisiguro naman ang mga customer na walang ginawang pagdodoble ng singil ang Meralco. Anumang nai-bill na konsumo ng customer noong buwan ng Marso at Abril ay naibawas na sa kabuuang konsumong nakuha ng Meralco mula sa aktuwal na reading ng metro ng customer noong Mayo.
Marami ang nagtataka kung bakit halos dumoble o nagtriple ang kanilang konsumo sa koryente nitong mga nakaraang buwan. Ipinaliwanag ng Meralco na bukod sa nangyaring estimation, talagang tumaas din ang konsumo ng mga customer dahil sa dalawang pangunahing dahilan: ang mataas na temperature ngayong tag-init at ang ipinatupad na ECQ.
Maituturing na isang pangkaraniwang pangyayari na ang pagtaas ng konsumo sa koryente ng mga customer sa panahon ng tag-init. Dahil sa mataas na temperatura ng panahon ay hindi maiwasan na mas matagal gamitin ang aircon at mga bentilador, ‘di hamak na mas mahabang oras kumpara sa mga panahong malamig ang temperatura. Dagdag pa rito, ang mga kagamitan gaya ng aircon at regrigerator ay nagrerehistro ng mas mataas na konsumo kapag ito ay ginamit sa panahon ng tag-init. Ayon sa pag-aaral ng Meralco Powerlab, ang mga aircon at refrigerator, at iba pang kagamitan na may compressor ay nakikitaan ng 25% hanggang 40% na pagtaas sa konsumo kapag panahon ng tag-init. Sa madaling salita, kung ang aircon ay ginagamit ng customer sa loob ng anim na oras sa mga buwan na malamig ang temperatura at anim na oras sa mataas na temperatura ng panahon, hindi ito magrerehistro ng parehong konsumo dahil mas kailangang magtrabaho ng mga compressor nito sa panahon ng tag-init.
Kasabay pa ng pagpasok ng panahon ng tag-init ay ang pagpapatupad ng ECQ upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19. Gaya ng aking naunang nabanggit, natural na pangyayari na tumataas ang konsumo sa koryente kapag panahon ng tag-init. Ngayong sumabay pa ang ECQ kung saan ang mga tao ay napilitang manatili sa kani-kanilang mga bahay, ito ay nangangahulugan na malaki ang posibilidad na mas mataas pa ang konsumo kumpara sa normal na konsumo ng customer sa panahon ng tag-init. Kung dati ay pumapasok sa paaralan at sa trabaho ang mga tao sa bahay at doon kumokonsumo ng koryente, ngayon ay nasa bahay lamang ang mga ito lalo na yaong mga nagtatrabaho mula sa kani-kanilang bahay. Ngayon, dahil sa ECQ, ang dating walo hanggang labindalawang oras na nasa labas tayo ng bahay at kumokonsumo ng koryente sa ibang lugar, ang ating konsumo sa kasalukuyan ay nakasentro na sa bahay. Ito ang madaling paliwanag kung bakit dumoble o halos trumiple ang konsumo ng maraming customer. Sa unang pagkakataon, sa loob ng ilang buwan ay 24/7 may gumagamit ng koryente sa bahay nang sabay-sabay. Hindi lamang mga Meralco customer ang nakararanas ng problemang ito. Ito ay nararanasan ng lahat ng konsyumer sa buong bansa.
Bagama’t nagbalik-operasyon na ang Meralco noong Mayo, hindi lahat ng customer ay nakuhanan ng aktuwal na reading dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng ECQ sa ilang mga lugar. Bunsod nito, nasa higit dalawang milyong customer pa ang ngayong buwan ng Hunyo pa lamang magkakaroon ng aktuwal na reading. Para sa mga customer na ito, nais ipaalala ng Meralco na huwag sana mabahala nang husto kapag nakita na ang kabuuang presyo ng babayaran. Ito ay normal na mataas dahil maaaring tatlo o apat na buwan ang nakapaloob na konsumo rito, depende sa iskedyul ng pagbabasa ng metro sa inyong lugar.
Kung ang bill na inyong matatanggap ngayong Hunyo ay may nakalagay na covered period na sinasakop ay hindi lang Hunyo kundi kasama ang mga nakaraang buwan, huwag mabahala. Anumang bill na nabayaran ninyo na noong mga buwan ng Marso, Abril, at Mayo, ay maibabawas na sa kabuuang charge na nakapaloob sa buwan na ito. Ang magandang balita pa ukol dito, ¼ lamang ng inyong kabuuang bill ngayong Hunyo ang kailangang bayaran. Ang natitirang balanse ay maaaaring bayaran nang utay-utay sa loob ng apat hanggang anim na buwan.
Ayon sa direktiba ng ERC, kung ang konsumo ng customer noong Pebrero 2020 ay 200kWh pababa, maaaring bayaran ang naipong bills noong ECQ sa loob ng anim na buwan. Kung 201kWh pataas naman ang nairehistrong konsumo noong Pebrero 2020, maaaring bayaran hanggang apat na buwan ang kabuuang halaga ng naipong mga bayarin sa Meralco.
Ang lahat ng detalye ukol sa bill ngayong Hunyo ay nakasaad sa isang liham na matatanggap ng customer kasama ang June bill nito. Ang mga customer na magbabayad nang utay-utay ay makatatanggap ng dalawang magkahiwalay na bill sa mga susunod na buwan. Ang isa ay ang normal na bill buwan-buwan at ang isa ay para naman sa installment payment para sa mga bill na naipon noong ECQ. Kalakip ng installment letter buwan-buwan ay ang Meralco reference number na kailangan ng mga customer na magbabayad online. Kung ang customer ay magbabayad ng bill online na lampas na sa due date, kailangan lamang humingi ng bagong reference number. Kung sa mga Meralco business center naman at Bayad Center magbabayad, kailangan ipakita ang installment letter upang masingil ito.
Ang mga Meralco business center ay nananatiling bukas upang magbigay serbisyo sa aming customer. Para sa inyong kaligtasan laban sa COVID-19, maaari ring idulog ang inyong mga katanungan at klaripikasyon sa aming opisyal na social media account sa Facebook at Twitter. Maaari rin itawag sa aming 24/7 hotline sa bilang na 16211. Makakaasa ang aming mga customer na handa ang Meralco na magbigay ng serbisyo 24/7.
Comments are closed.