KINONDENA ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang ginawang pagbaril at pagpatay ng isang tauhan ng Philippine National Police sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Ayon kay SILG Eduardo Año, hawak na ng mga awtoridad ang suspect na si P/SMSgt Joniel Nuezca na nakatalaga sa Paranaque City Police Station at agad pinasimulan ang imbestigasyon.
Si Nuezca ay nakadestino sa Parañaque City Crime laboratory unit at nakatira sa Barangay Cabayaoasan, Paniqui.
Tiniyak ng kalihim sa pamilya ng mga biktima at maging sa sambayanan Filipino na magkakaroon ng patas at masusing iimbestigahan ang PNP at National Police Commission (NAPOLCOM) ang kaso.
“The DILG will ensure that justice will be given to the family of the victims and that administrative and criminal cases will be filed against Nuezca. We do not and will never tolerate such acts and we will make sure that he will account for his crimes. I have likewise directed PNP Chief P/Gen Debold Sinas to extend assistance to the family of the victims at this time of bereavement,”ani Año.
Batay sa ulat, sinabi ni Lt. Col. Noriel Rombaoa, hepe ng Paniqui Police na sinita umano ni Nuezca ang mga biktimang kapitbahay dahil sa pagpapa-putok nito ng boga.
At dito, nakasagutan ng mga biktimang sina Sonya Gregorio, 52-anyos at Frank Anthony Gregorio, 25-anyos ang suspek at anak nito na humantong sa pamamaril.
“Parang nainsulto siguro hanggang nagkasagutan ang anak niya at ang matandang biktima. Siguro nawindang ang isip niya, dun niya pinaputukan ang mga biktima,” ani Rombaoa.
Anito, makikita naman sa video na viral na ngayon sa internet na binaril ng pulis ang mag-ina matapos magmalaki ng batang anak nito na pulis ang kaniyang tatay na sinagot naman ng “I don’t care” ni Sonya.
Napag-alaman din ni Rombaoa, dati nang nagkagirian ang suspek at biktima dahil sa usapin ng right of way ngunit naayos na umano ito sa barangay.
Iniulat naman ng Rosales Municipal Police sa Pangasinan na sumuko ang suspek sa kanila bandang ala-6:19 ng gabi at agad na inilipat ang suspek sa Paniqui Municipal Police.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. VERLIN RUIZ
KASONG KRIMINAL AT ADMINISTRATIBO INIHAIN
BUKOD sa kasong kriminal, inihahanda na ng PNP ang kasong administratibo labay kay Nuezca.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP chief General Debold Sinas, sinimulan na ng Crime Laboratory ang kanilang imbestigasyon para sa ikasisibak sa serbisyo ni Nuezca na naka-assign sa Parañaque City Crime Laboratory.
Nauna nang sinabi ng Police Regional Office (PRO) 3 na kakasuhan ng double murder ang suspek na pulis.
Sa ngayon, ani Sinas ay naka-automatic leave na ang pulis upang hindi na ito makatanggap ng sahod.
Galit at pagkalungkot din ang naramdaman ni Sinas ng mapanood nito ang viral video sa pamamaril at pagpatay ni Nuezca sa mag-inang sina Sonya Gregorio, 52, at Frank Anthony Gregorio, 25, sa Purok 2, Barangay Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac kamakalawa ng hapon. EUNICE CELARIO
Comments are closed.