MAKATI CITY – INIIMBESTIGAHAN na ng Southern Police District (SPD) kung may koneksiyon sa isyu ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang pagkakabaril sa dalawang Chinese na ikinamatay ng isa kamakalawa ng gabi sa lungsod na ito.
Ang namatay ay si Yin Jian Tao, 33, IT employee, ng Brgy. Bel-Airy habang ang babaeng kasama nito na sugatan sa pamamaril ay nakilalang si Zheng Kai, 25, at nakatira rin sa naturang condominium.
Dalawa sa tatlong suspek ang agad namang naaresto na nakilalang sina Yang Chao Wen, 32, at Liang Yuan Wu, 29.
Ayon sa pulisya bago ang pamamaril ay sabay-sabay na pumasok sa restaurant ang mga biktima at mga suspek upang kumain.
Sa pahayag ng mga saksi, hindi pa nagtatagal ang grupo ay narinig nila ang malakas na sigaw ni Zeng habang ang tatlong suspek ay tumatakbo palabas ng naturang restaurant.
Napigilan naman ang dalawang suspek ng mga security guard ng naturang restaurant subalit ang isa sa mga suspek ay mabilis na nakatakas.
Nabawi naman ng pulisya mula sa dalawang suspek ang dalawang baril na .45 caliber pistol at isang sling bag na naglalaman ng P345,000.
Ayon sa pulisya, bago ang pamamaril ay pinapapalitan ni Yang sa biktima ang kanyang pera sa biktima upang makabalik sa mainland China.
Nagkita umano si Yang at Yin sa airport at pumunta sa restaurant kung saan ay pumayag si Yin na ibibigay kay Yang ang P345,000 kapalit ng 10,000 Chinese Yuan.
Subalit wala umanong dalang 10,000 Chinese Yuan si Yang at binaril nito ang biktima at hinablot ang bag nito na naglalaman ng P345,000. MARIVIC FERNANDEZ