SA bawat okasyon na ating pinagsasaluhan ay hindi maaaring mawala sa ating mga mesa ang iba’t ibang lutong pansit para raw sa mas mahabang pagsasama ng pamilya at pampahaba raw ng buhay.
Tila hindi sang-ayon dito ang may-ari ng isang panciteria na aming nakilala sa Maynila.
Nakilala ng Pilipino Mirror si Aling Vencie Escalante, 68-anyos, biyuda at may anim na anak na kasalukuyang naninirahan sa Dapitan Street sa Maynila.
Takaw-pansin kasi sa paningin ang kanilang paninda na pancit bihon na kakaiba ang estilo ng pagluluto nito dahil wala kang makikita o malalasap na halong karne ng baboy kundi ginayat na gulay, hipon, calamares, seasoning at walang halong chicharon.
Bukod dito, nagbebenta rin sila ng lumpiang toge na hindi tinipid sa lasa, purong gulay, kamote at toge, mga kakanin at lutong-ulam na hindi sinangkapan ng karne ng baboy.
Wala rin makikita na mga panindang delata na gawa sa karneng baboy, maging yosi at iba pang hindi angkop sa HALAL food.
Respeto raw kasi nila iyon sa yumaong asawa ni Aling Vencie, higit dalawang taon na ang nakalilipas buhat ng tumama ang pandemya sa bansa.
Katunayan, ang mister ni Aling Vencie ay isang Islam at siya naman ay isang Katoliko.
Ikinasal sila sa Simbahan ng Katoliko noong panahong hindi pa nabibinyagan sa pagka-islam ang kanyang mister.
Taong 2000 nang maging ganap ang pagiging muslim ng kanyang yumaong mister na mahigit 20 taong nagtrabaho sa Kingdom of Saudi Arabia bilang Supervisor sa isang pagawaan ng bakal at doon ay ipinagpatuloy ang pagiging islam at nakasanayang kumain ng mga lutong halal.
Naging hanapbuhay na nila ang pagluluto ng halal food buhat ng bumalik ang mister ni Aling Vencie sa Pilipinas noong 2008.
Aniya, sa Bicol nila binuo ang kanilang pamilya at noong 2014, napagdesisyunan silang mag-asawa na manirahan sa Maynila dahil na rin sa madalas nilang pabalik-balik sa ospital buhat nang magkasakit si Aling Vencie sa obaryo at kailangang maoperahan.
Sa Maynila na rin naninirahan ang ilan nilang mga anak at dito na rin nila sinimulan ang pagbubukas ng tindahan.
Ang kanilang main dish ay ang pansit bihon, puto, biko, lumpiang gulay at buchi-buchi, meron din silang chicken sisig, adobo sa gatang manok, turon with langka, at maruya na talaga namang mabenta sa kanilang mga suki at madalas ay kinokontrata rin sila para sa made-to-order.
Subalit, mula nang mamatay ang kanyang mister noong Hulyo 2020 sa sakit na acute pneumonia (hindi naman nagpositibo sa COVID-19) ay tila suntok sa buwan ang kanilang pinagdaanan.
Hindi rin nila batid kung paano nila makukuha ang estilo sa pagtitimpla at pagluluto ng pancit halal na tanging ang kanyang mister lamang ang nakakaalam.
Hindi raw kasi naituro ng kanyang mister ang recipe o ang tamang-timpla nito. Ultimong sawsawan ng lumpiang toge ay hindi rin naituro sa mga anak nila dahil sa biglaang pagpanaw ng kanyang mister.
Aniya, tila tinik sa lalamunan ni Aling Vencie buhat ng masawi ang kanyang asawa na hindi rin nasilip nang iba pa nilang mga anak na nasa malayong probinsiya ang katawan ng kanilang ama dahil sa kawalan ng transportasyon bunsod na laganap ang virus sa paligid at ang paghihigpit ng IATF noong 2020.
“Mahirap kung sa mahirap pero dahil sa mga anak ko nakaka-survive kami. Ibinalik namin ang sinimulan ng asawa ko mula sa simula, bagong recipe, bago lahat. Ang daming trial and error hanggang sa makuha namin ang timpla at lasa at mga suki namin ay nagbabalikan na, bila-bilao kung mag-order ng pansit,” masiglang paglalahad ni Aling Vencie.
Dahil sa islam ang kanyang asawa, isinagawa lamang ng buong maghapon ang paghatid sa huling hantungan ng kanilang padre de pamilya sa libingan ng mga muslim. Ito ang pinakamasakit sa lahat na puwedeng maranasan ninuman, ang mawalan ng minamahal sa buhay sa kasagsagan ng pandemya.
Subalit, ayon kay Aling Vencie, ‘yun dating mabigat sa loob nang mawala ang kanyang mister ay unti-unti na ngayong napapalitan ng kaligayahan dahil nitong nasa tabi lamang niya ang kanyang asawa at tinuturuan siya para makuha ang timpla ng kanilang Halal food na paninda at sa gabay ng Diyos.
Sa lahat ng mga pinagdadaanan natin sa buhay gaya ni Aling Vencie na nawalan din nang minamahal sa buhay dulot ng pandemya. Hindi natin maaaring isuko ang ating buhay na wala ginagawa upang muling bumangon para sa pamilya na handa tulungan at damayan.
Aniya,“kahit ano’ng mangyari, sa huli, natututo ka kung paano mabuhay sa sarili mong paa, anumang oras mawala ka man sa mundo, may pabaon kang lutuin na kanilang mabibitbit.” Pagtatapos ni Aling Vencie. REX MOLINES