TAGUMPAY ang elemento ng militar partikular ang mga kasapi ng 2nd mechanized Infantry Battalion ng Philippine Army at Lambayong Municipal Police Station nang idiskaril ang tangkang pagpapasabog sa nasabing bayan.
Sa pahayag ni PLT Gino Fegarido, hepe ng Lambayong-PNP, nagsasagawa ng checkpoint ang tropa ng pamahalaan malapit sa bahagi ng Brgy. Tinumigues nang may namataan silang mga nakamotorsiklo.
Nang makita ng mga ito na may checkpoint ay kanilang itinapon ang dalang sako at agad na umalis sa hindi malamang direksiyon.
Sinubukan pang habulin ang mga suspek ngunit ang naabutan na lamang ay ang dalawang sakong iniwan na natuklasang may lamang isang bala ng 81mm mortar na aktibo pa umano at puwedeng sumabog anumang oras.
Agad na kinordon ang area ng Explosive Ordinance Disposal Team para sa tamang disposisyon ng bomba.
Sa ngayon inaalam pa kung anong grupo ang nasa likod ng tangkang pagpapasabog sa nasabing bayan. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM