(Pambutata sa hoarders, smugglers)IMBENTARYO SA PUTING SIBUYAS

“Hantingin ang mga trader na bumili ng mga puting sibuyas sa mga lokal na magsasaka at sipatin kung itinatago lang nila sa cold storage,” sabi ni Marcos.

“Kung walang komprehensibong imbentaryo, walang mabubuong patakaran sa importasyon na babalanse sa pangangailangan ng mga mamimili at ng mga magsasakang nalulugi sa pagbenta ng kanilang ani,” diin ni Marcos.

Babala ni Marcos, sinasamantala na ng mga smuggler ng imported na puting sibuyas ang sitwasyon at naglalako sa mga restoran ng 10 beses ang taas sa dating presyo.

“Umaaray ‘yung mga sikat na fastfood chain dahil ‘yung dati nilang nabibili lang na 40 pesos kada kilo ay ibinebenta na sa kanila ng 400 ng mga trader na taga-Divisoria,” anang senadora.

Kinakalap na ng Department of Agriculture (DA) ang pangalan ng mga trader na humahango ng mga supply sa mga pangunahing probinsyang nagtatanim ng mga sibuyas tulad ng Nueva Ecija at Mindoro.

Inihirit naman ni Marcos sa DA na tanungin din ang mga magsasaka sa Visayas at Mindanao para mas magamay nito ang sitwasyon ng puting sibuyas sa buong ­bansa.

Habang naghihintay sa imbentaryo, hinimok ni Marcos ang gobyerno na makipag-ugnayan sa mas maraming mga lokal na magsasaka at sa mga nasa industriya ng restoran bago pa mag-anihan sa Abril.

“Hindi makakaporma ang mga smuggler kung meron tayong ‘contract-growing’

kung saan mangangakong bibilhin ng mga restoran ang sunod na ani ng mga lokal na magsasaka, nang sa ganoon ay matiyak din ang supply ng sangkap sa kanilang mga pagkaing ibinebenta,” paliwanag ni Marcos.

Nangangamba si Marcos na ang kakarampot na ani sa Nobyembre ay magdudulot din ng kakapusan sa mataas na demand ng sibuyas lalo na’t papalapit na ang Kapaskuhan. “Ang maulan na panahon ang magpapalala sa sitwasyon kapag naging sanhi ito ng pagtubo o pagkabulok ng mga sibuyas sa imbakan,” banggit pa ni Marcos.

“Kailangang mapondohan sa ilalim ng 2023 national budget ang cold storage facilities para sa mga lokal nating mga magsasaka. Pero sa ngayon, imbentaryo muna at contract-growing ang mga hakbang na dapat na madaliin,” dagdag pa niya.

VICKY CERVALES