PAMILYA NG POLITIKO SA SURIGAO DEL NORTE ISINANGKOT SA DROGA

DROGA

TUMESTIGO ang dating Army soldier na nagtrabaho bilang driver-bodyguard sa ilang mga miyembro ng Matugas political clan sa Surigao del Norte. Nagdesisyon itong sumuko sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang ilahad ang kanyang partisipasyon at nalalaman sa mga naturang politiko kaugnay sa drug trafficking sa nasabing probinsiya.

Sa sinumpaang salaysay ni Jesusito “Nitoy” Bayang sa PDEA noong Biyernes, Mayo 10, kinilala nito ang mga kasamahan umano sa ile­gal na droga sa Surigao del Norte na sina dating 1st District Rep. Jose Francisco “Bingo” Matugas; Dapa, Siargao Vice-Mayor Francisco “Jun Jun” Gonzales; Del Carmen town Vice Mayor Alfredo “JR” Matugas Coro; former Del Carmen councilor and Judge Exequiel Degala at kapatid na si Del Carmen councilor Jose Bayang.

“Ang nakalulungkot lamang ay ang aking mga sumbong (sa magulang ni Bingo Matugas) na hindi man lamang nabigyan ng pansin, sa halip lalong lumakas ang grupo sa kanilang illegal na gawain, lalo na sa pagtutulak ng droga,” ayon sa sinum­paang sa-laysay ni Bayang.

Sinabi ni Bayang na napilitan siyang magtago nang malamang nag-hire ng killer ang Matugas para patahimikin siya.

Nabatid na naging miyembro ng Philippine Army si Bayang noong 2000 at umalis sa serbisyo noong 2010. Sinabi nitong naging bodyguard siya ni Vice Mayor Coro.

Samantala, itinanggi naman ni Bingo Matugas na anak ni incumbent  Surigao del Norte Gov. Sol Matugas at Surigao del Norte 1st District Rep. Francisco “Lalu” Matugas na may kinalaman siya sa mga ilegal na gawain. PAULA ANTOLIN

Comments are closed.