MSWDO Marlene Chan, kasama ang Pamilyang Pilipino sa Lopez, Quezon.
Lopez, Quezon — Sa nagbabagong daloy ng pagpapamilya sa bansa, isa ang bayan ng Lopez na may pagkilala sa kakayahan ng pamilya para maitaguyod ang pagpapaunlad ng mga miyembro nito mula sa mga magulang, mga anak, lolo at lola at mga apo.
Naging katuwang ang pamilya sa mga isinusulong na proyekto ng lokal na pamahalaan, kaya’t hindi naging mahirap sa kinatawan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang paghahanda para sa pagdiriwang ng Linggo ng Pamilya na may temang “Pamilyang Tumutugon sa Pagbabago ng Panahon.”
Isang araw ang ginugol para maipagdiwang ng mga pamilya sa bayan ng Lopez ang Linggo ng Pamilya, sa pangunguna ng MSWDO na si Marlene Chan kasama sina Jever Ladines at iba pang social workers sa Lopez.
Nagpaunlak ang mga pinuno ng bayan na sina Mayor Rachel Ubana at Vice Mayor Ma. Adeline Lee na maglaan ng oras sa mga pamilyang nagtipon-tipon sa Plaza.
Tinalakay ng panauhing pandangal na si Aloysius Gerardo Alano Ogues, isang NGO Development Worker at dating Project Officer ng Sustained Health Initiatives of the Philippines, ang nagbabagong tauhan at gampanin sa pamilyang Pilipino.
Ipinaliwanag ni Ogues na sa pag-inog ng panahon, sumalang ang pamilya sa pagbabago ng ginagampanang papel bilang magulang sa unang ebolusyon; sa ikalawa, nagkaroon ng pagtanggap sa mga solo o nag-iisang magulang at ikatlo, pagiging magulang ng pareho ang kasarian.
Sa ikalawang bahagi ng programa, nagkaroon ng Cooking Fest at Family Photo Contest. Nanguna sa Cooking Fest ang kinatawan ng Brgy. Banabahin Ilaya, ang ikalawa ay mula sa Brgy. Santa Rosa at ang ikatlong kinatawan ay mula sa Brgy. Burgos. .
Nagwagi ang Salumbides Family sa Family Photo Contest na sinundan ng Galicha Family. Mahigit sa 20 pamilya ang lumahok sa nasabing photo contest.
Talentong Lopezeño
Sa araw ng Kapistahan naman ng Our Lady of the Most Rosary, ang naging tema sa halos buong araw na paligsahan sa On-the-Spot Painting ay “Si Maria, sa Pananaw ng mga Lopezeño” na ginanap sa Parish Hall Catholic Center.
Ang mga nanalong mag-aaral sa On-the-Spot Painting, sa elementary: nanguna, Zhramia A. Peralta ng Gomez Elementary School; ikalawa, Art Cincent L. Caña; at ikatlo, Consuella Yanissa Crow ng Most Holy Rosary Parcohial School.
Sa High School: nanguna si Claudine A. Barretto ng Lopez National Comprehensive High School; ikalawa, Reiven Kyle Velano ng Lopez National Comprehensive National High School; at ikatlo, Thirdy Jacon Estrada ng Eastern Tayabas College.
Parehong consolation prize ang nakuha ng mga kalahok sa college: Joemer Mona ng Philippine National University (PNU) – Lopez at Richelle Anne Velasco ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) – Lopez.
Ipinaliwanag ng isa sa hurado na si June Dela Peña, isang artist at NGO Development Worker sa probinsya ng Quezon, ang pagbibigay na tamang mga simbolo na ginagamit sa pananampalataya, sa santo rosaryo, sa mga deboto at maging sa buhay ni Maria kung ito ang magiging basehan sa pagguhit at pagpinta.
Ang pagdaraos ng mga paligsahan sa parokya ay sa tulong ng mga retiradong guro ng Lopez, Quezon, mga kinatawan ng parokya, MSWDO Officers at Staff at kasalakuyang pangulo ng Parish Pastoral Council na si Marlene Chan.