PAMIMIGAY NG SAMPLE BALLOTS BAWAL

PINAALALAHANAN  kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang publiko, partikular na ang mga kandidato, na itinuturing na paglabag sa election rules ang pamimigay ng mga sample ballots sa mismong araw ng halalan, dahil ito’y isang uri pa rin ng pangangampanya.

Ito’y kasabay ng nalalapit nang pagtatapos ng panahon ng kampanyahan bukas, Mayo 12, dalawang araw bago ang election day sa Mayo 14, Lunes.

“Nakikita nga po natin na maraming ganu’n (namimigay ng sample ballots) papasok sa mga eskuwelahan. Hindi po puwede ‘yun at dahil pangangampanya ang dating noon,” ani Comelec Commissioner Luie Tito Guia, sa panayam sa telebisyon.

Pinayuhan naman ni Guia ang mga botante na huwag nang tanggapin ang mga sample ballots na ibi­nibigay ng ilang kandidato at supporters nila, at sa halip ay maghanda na lamang ng sarili ng kodigo o listahan ng mga pangalan ng mga kandidatong kanilang iboboto.

“Mas maganda kung ‘wag tanggapin, at ‘yun nga, ang sinasabi namin, sila na mismo ang gumawa ng sariling kodigo,” aniya pa.

Alinsunod sa election rules, mahigpit nang ipinagbabawal ang pangangampanya simula sa Mayo 13, bisperas ng eleksiyon at sa mismong araw ng halalan.

Gayunman, karaniwan nang nilalabag ito ng mga kandidato at kanilang mga supporter, na namimigay pa rin ng campaign materials sa gate ng mga paaralan sa mga botanteng nagtutungo sa kanilang mga polling precinct upang bumoto.          Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.