PAMIMIGAY NG SMUGGLED NA BIGAS BANTAY-SARADO NG KAMARA

Rep-Dakila-Carlo-Cua-2

BANTAY-SARADO ng Kamara ang donasyon ng mga smuggled na bigas  sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Tututukan po natin ang Department of Finance, Bureau of Customs at Department of Social Welfare and Development. Sisiguraduhin po nating ma-deliver ang bigas sa DSWD at hindi po tayo titigil hanggang maipamahagi ng DSWD ang bawat sako ng bigas na manggaga­ling sa BOC,” pahayag ni House Committee on Eco­logy Chairman at Quirino Rep. Dakila Carlo Cua.

Si Cua ang panguna­hing nagsulong ng rekomendasyon sa DOF at BOC para i-donate na lamang sa DSWD ang nasabat na P125 milyong halaga ng bigas.

Ayon sa Quirino solon, labis niyang pinasasalamatan ang Finance department sa pag-apruba nito sa nasabing kahili­ngan na magamit na lamang sa relief package ng DSWD ang mga smuggled na bigas upang mapakinabangan ng mga pamilya na maaapektuhan ng kala­midad, kabilang ang mga nasalanta ng bagyong Ompong.

“Nagpapasalamat po tayo kay DOF Secretary Dominguez at pina­unlakan niya ang ating panawagan na ibigay ang nakumpiskang smuggled rice sa DSWD.

Malaki po ang maitutulong nito para bigyang ayuda ang mga maaapektuhan ng bagyong Ompong,” sabi pa ng ­kongresista.

Simula pa lamang nitong Agosto ay tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan na ginawa ni Cua sa DOF at BOC para sa inaasam niya na pag-turn over na lamang sa DSWD ng rice shipment na naharang ng BOC. Kamakalawa o bago ang inaasahanag pagtama sa kalupaan ni ‘Ompong’ partikular sa bahagi ng Cagayan region, ay nagpalabas ng direktiba si Dominguez kay Customs Commissioner Isidro S. Lapeña na ipalabas nito sa DSWD ang lahat ng narekober na smuggled na bigas, kasama ang iba pang food items.

“Please release all seized rice and foodstuff in your possession to the DSWD for possible disaster relief,” ang ipinadalang mobile phone message ng kalihim sa customs chief.

Sinabi pa ni Dominguez na ito’y alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa lahat ng government agencies na tiyakin ang pagkakaroon ng pinakamataas na antas na paghahanda sa pina­ngangambahang bagsik ng naturang bagyo.

Giit ng Finance secretary, dahil magiging ‘go­vernment-to-government transfers in emergency situations’ ang mangyayari ay mabilis ang paglabas sa Customs, gayundin ang pagbibigay sa DSWD na mga kumpiskadong food items para sa disaster relief mission ng huli.

Noong Hulyo, nasa 100 containers na naglalaman ng 50,000 sako ng bigas mula sa Thailand ang nasabat ng BOC sa Manila International Container Port (MICP).

Ang naturang kargamento na nagkakahalaga ng P125 million ay wala umanong kaukulang import permits at napag-alamang naka-consign sa Sta. Rosa Farm Products Corp.  ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.