PAMISA SUMAMPA SA ASBC JR/YOUTH FINALS

UMABANTE si Eljay Pamisa ng Cagayan de Oro sa finals ng The Asian Boxing Confederation (ASBC) Junior and Youth Championships sa Al Hossein Sports City sa Amman, Jordan.

Ginapi ni Pamisa, 17, si Nima Beygi ng Iran noong Huwebes gamit ang epektibong counter attacks at mabilis na footwork tungo sa kanyang golden showdown sa Lunes.

Makakasagupa niya si Abduvali Buriboev ng Uzbekistan sa gold medal round ng event na nilahukan ng 305 boxers mula sa rehiyon. Nakatakda sanang makaharap ni Pamisa ang isa pang semifinal winner, sa katauhan ni Anand Yadav ng India, sa finals. Subalit kinatigan ang  protestang inihain ng kampo ni Buriboev kaya ang Uzbek na lamang ang makakaharap ng Filipino fighter sa finals.

Ang batang  bantamweight, na lumalaban sa 54 kg category, ay silver medalist sa Asian Junior Championships sa Al Fujaira, UAE noong 2019 noong siya ay nasa 46 kg class pa. Pamangkin siya ni Southeast Asian Games veteran Elmer Pamisa, na ngayo’y miyembro ng coaching staff ng ABAP.

Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina  junior boxers (15-16 yrs old) Robert Malunoc Jr. (46 kg), Justine Valero (48 kg) at Van Hendrich Abing (50 kg).

Ang youth boxers (16-17 yrs old) ay sina Reymond Lofranco (48 kg), John Wayne Vicera (51 kg) at Pamisa.

Ang iba pa sa koponan ay sina coach Elmer Pamisa at Gerson Nietes, habang ang team manager ay si ABAP secretary-general Marcus Manalo.

Itinalaga ng ASBC bilang Technical Delegate para sa torneo si Karina Picson, habang nasa event din si 3-star International Referee-Judge Rolando Jose.

Samantala, idinaos ng ASBC ang Congress and Elections nito noong Sabado sa Marriott Bonvoy Hotel sa parehong lungsod.

Ang Pilipinas ay kinatawan nina Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) president Ed Picson at secretary-general Manalo.

Nahalal si Pichai Chunhavajira ng Thailand bilang bagong ASBC president kung saan tinalo niya si Saken Polatov ng Uzbekistan, 18-11.

Si ABAP president Picson ay isa sa malapit na advisers ng kilalang Thai businessman-sportsman.