PAMPAINIT NA PAGKAIN NGAYONG TAG-ULAN

RAMEN

(ni CS SALUD)

KAPAG ganitong malamig ang panahon, pagkain ang isa sa hinahanap-hanap natin na nakatutu-long upang mainitan ang ating pakiramdam.

Hindi nawawala ang iba’t ibang pagkaing makapagbibigay sa atin ng magandang pakiramdam. At dahil lahat naman tayo ay mahilig kumain, narito ang ilang pagkaing puwedeng kahiligan ngayong tag-ulan na hindi lamang init ng pakiramdam ang dulot kundi kaligayahan:

SINIGANG

Unang-una sa ating listahan ang sinigang. Bukod nga naman sa masarap ito kapag malamig ang panahon, mapararami rin ang kain mo. Kompleto rin ito sa sarap lalo na’t bukod sa karne o seafood na sangkap, mayroon din itong mga lahok na gulay gaya ng sitaw, labanos at kangkong.

Hindi nga naman ito nawawala sa lamesa ng bawat Pinoy—umulan man o umaraw. May tamang asim at linamnam din ito na kahit bata ay katatakaman.

PANDESAL AT MAINIT NA KAPE

Hindi lang din naman swak sa agahan ang pandesal at mainit na kape, kahit sa anong oras at panahon ay puwedeng-puwede itong pagsaluhan.

Simple lang naman ang pandesal at kape ngunit may kakaibang lasa ito na hinahanap-hanap ng ating panlasa.

May palaman man o wala, masarap pa rin ang pandesal. Swak din ito sa bulsa.

PORK AND MEATBALL MISUA SOUP

Isa pa sa talaga namang pagpapawisan ka kapag kinain mo kahit na malamig ang paligid ay ang Pork at Meatball Misua Soup. Madali lang din itong lutuin at simple lang ang mga sangkap.

Puwede rin itong papakin at maaari rin namang samahan ng kanin.

BILO-BILO

Bilo-bilo ang isa pa sa paborito ng mara­ming Filipino. Ito ang mainit na bersiyon ng kinahihiligan nating halo-halo. Ang mga sangkap sa paggawa nito ay ang sago, potato, saba, munggo, mais, asukal, gatas, galapong at gata.

Napakasarap nito lalo na kung pinagsasaluhan habang umuusok pa.

RAMEN

Isang Japanese food ang Ramen na ma­ging ang mga Filipino ay kinahihiligang kainin. Maanghang ang nasabing pagkain kaya’t si­guradong pagpapawisan ka habang kumakain nito.

Maraming sangkap ito na lalong nagpapalabas ng masarap na lasa ng nasabing Japanese classic comfort food.

GINATAANG MUNGGO AT MAIS

Isa pa sa puwedeng lutuin ang Ginataang Munggo lalo na kung mahilig kayo sa malagkit. Niluluto rin ito sa gata at ang pampalasa ay asukal. Black munggo beans din ang ginagamit sa paggawa nito. Lalo rin itong sumasarap kapag may kasamang mais.

Sa mga gustong subukan ang paggawa nito, ang mga kakailanga­ning sangkap ay ang 250 grams toasted munggo, 2 tasang tubig, 2 cups glutinous rice washed, 4 tasa ng coconut milk, 1 tasa ng cream style corn, 1/2 tasa ng whole corn kernel, 1 to 1 ½ tasa ng asukal para pampalasa at 80 grams ng sweetened jackfruit.

Paraan ng pagluluto:

Ihanda lang ang lahat ng mga kakailanga­ning sangkap. Pagkatapos ay pakuluan ang toasted munggo sa loob ng 15 minuto o hanggang sa lumambot.

Sa hiwalay na lutuan, paghaluin naman ang malagkit at coconut milk at lutuin sa loob ng limang minuto.

Madalas na haluin nang hindi masunog ang malagkit.

Pagkatapos ay isama na ang pinakuluang toasted munggo, whole kernel corn at cream style corn. Haluin at lutuin sa loob ng 6 to 8 minutes.

Pagkalipas ng 6-8 minutes ay timplahan na ito ng asukal. Tikman. Kapag okey na ang lasa, ilagay na ang minatamis na langka.

Ganoon lang kasimple at puwede na itong pagsaluhan ng buong pamilya. Puwede rin kayong gumawa ng sarili ninyong bersiyon.

Sa kahiligan nga naman natin sa pagkain, siguradong makaiimbento tayo ng iba’t ibang lutuing magpapainit at magpapangiti sa ating pakiramdam.

(photos mula sa delish.com, makuletaqo.blogspot.com, themayakitchen.com)

Comments are closed.