TALAGANG naghahanda ang bawat pamilya kapag Bagong Taon. May ilan na simple lang ang Pasko pero hitik naman sa pagkain sa pagsapit ng Bagong Taon.
Kunsabagay ay nakasanayan na rin kasi ng marami sa atin ang maghanda ng mga pampasuwerteng pagkain kapag Bagong Taon. Nakaugalian na rin ng maraming Filipino at hindi na mababago.
Bawat pamilya ay may mga inihahandang espesyal na putahe kapag Bagong Taon. Bukod sa espesyal at walang kasing sarap na putahe, nagdudulot o nakapagbibigay rin ito ng suwerte sa marami sa atin.
At kung masusuwerteng pagkain lang din naman ang pag-uusapan, narito ang ilang pagkaing hindi nawawala sa hapag tuwing New Years Eve:
BERDENG PAGKAIN
Una na nga riyan ay ang mga kulay green o berde na pagkain. Marami sa atin ang ayaw o hindi mahilig sa mga berdeng pagkain ngunit isa ito sa mainam na ihanda kapag New Year’s eve.
Sumisimbolo umano sa pera ang mga berdeng pagkain. Kaya isama na ito sa inyong ihahanda sa pagsalubong ng panibagong taon.
Hindi naman ito mahirap hanapin. Kung minsan ay may kamahalan lang pero kung pera naman ang isinisimbolo nito, bakit nga naman hindi natin subukan.
Hindi naman kailangang marami, kahit na kaunti lang basta’t mayroong maihanda.
Sumisimbolo rin sa pera ang beans, o mas magandang sabihing sa barya.
Bilog-bilog nga naman ito. Kagaya ng hugis ng barya.
NOODLES
Hindi kailanman nawawala sa handaan ang noodles, pampahaba kasi ito ng buhay.
Kaya mula sa birthday hanggang sa pagsalubong sa Bagong Taon, hindi magpapahuli o mawawala ang noodles. Maraming luto rin ang puwedeng gawin sa noodles na swak sa ating panlasa.
PRUTAS
Prutas ang isa pa sa pampasuwerteng pagkain. Isa pa ito sa talagang hindi nawawala sa hapagkainan ng kahit na sino kapag Bagong Taon.
At dahil nakagawian na rin naming maghanda ng prutas kapag Bagong Taon, lahat ng bilog na prutas ay pinaghihirapan kong hanapin. May kamahalan man ang mga prutas, hindi pa rin ito naging dahilan para mawala ang mga ito sa aming hapag.
Labindalawang klase ng prutas ang ating inihahanda, katumbas ito kung ilang buwan mayroon ang isang taon.
ISDA
Pinaniniwalaang lucky ang isda dahil sa kaliskis nito na sumisimbolo sa barya.
Kaya naman, isa rin ito sa hindi nawawala sa handaan sa pagsalubong ng Bagong Taon.
PORK
Bukod sa isda, hilig din ng marami sa atin ang pork. Isa rin sa masuwerteng pagkain ang pork kaya’t swak na swak itong ihanda ngayong Bagong Taon.
Progress, iyan ang lucky factor ng pork.
Kaya para sa mas progresibong hinaharap, huwag kaliligtaan ang paghahanda ng pork.
RING-SHAPED CAKES
Hindi rin naman siyempre puwedeng mawala ang matatamis na pagkain. At isa rin sa swak na ihanda ang ring-shaped cake. Ang lucky factor nito ay ang pagdadala nito ng full circle of luck sa mga kakain.
O ‘di ba’t napakarami nating puwedeng ihanda na simple lang pero makapagbibigay ng suwerte sa atin.
Kaya para suwertehin, maghanda na ng mga pagkaing nakalista sa itaas. Wala rin namang masamang umasa at maniwala. Basta’t sa ikagaganda ng ating buhay, lahat ay maaari nating sunggaban huwag lamang tayong makapanakit ng kapuwa.
Mag-enjoy tayong lahat ngayong Bagong Taon. Umiwas sa paputok para buo pa rin tayo sa pagpasok ng taon.
CHEERS!!! (CT SARIGUMBA)
Comments are closed.