MASUWERTE tayong mga Filipino na mayroon tayong pamahalaan na inuuna ang kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan ngayong panahon ng pandemya. Maganda ang takbo ng ekonomiya bago tayo tinamaan ng krisis na dala ng COVID-19. Tinatayang aabot sa 7% ang paglago ng ekonomiya ngayong 2020 kung hindi nangyari ang pandemyang ito. Isinakripisyo ng pamahalaan ang magandang takbo ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Halos dalawang buwan na mula nang ipatupad ni Pangulong Duterte ang enhanced community quarantine. Bagama’t patuloy na tumataas ang bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19 sa bansa na ngayo’y nasa labing isang libo na, tila nagtagumpay na tayo sa sinasabing ‘flattening of the curve’ dahil kung dati’y dumodoble ang bilang ng positibong kaso sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw, ngayon ay mas mabagal na ito sa bilang na lima hanggang anim sa Metro Manila at pitong araw naman sa mga probinsya.
Habang tumatagal ang pagpapatupad ng ECQ, mas lalong bumabagsak ang ekonomiya. Kung hindi ninyo nalalaman, 70% ng ating gross domestic product o GDP ay dito nanggagaling sa Metro Manila, na kasama sa naka-ECQ. At dahil naka-ECQ, puwersadong huminto sa operasyon ang maraming mga negosyo. Sa madaling salita, huminto ang takbo ng ekonomiya. Kasabay pa nito ay ang pagpapauwi sa ilang overseas Filipino workers (OFWs). Tiyak na bababa ang remittance dahil dito. 10% ng ating GDP ay nagmumula sa mga remittance ng mga OFW. Nasa 80% ng ating GDP ang tiyak na nasa panganib habang tumatagal ang ECQ.
Marami nang mga negosyo ang nanganganib na magsara sa kabila ng programa ng pamahalaan na nagbibigay ng pagkakataon sa small and micro enterprises (SMEs) na makahiram ng pera sa mababang interes. Kapag nagbagsakan ang mga negosyo, tataas ang bilang ng mga mawawalan ng trabaho. Maraming pamilya ang magugutom. Hindi nga mamamatay sa COVID-19 ngunit maaari namang mamatay sa gutom ang mga Filipinong kapos sa kapalaran. Sila ang nakadarama ng pinakamatinding epekto ng ECQ. Dagdag pa rito ang tagal ng pagpapamigay ng ayuda ng mga lokal na pamahalaan.
Kailangang balansehing mabuti ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga mamamayan laban sa virus at ang kapakanan ng ating ekonomiya. Sa aking personal na pananaw, ang pagpapatupad ng general community quarantine (GCQ) ang isang epektibong paraan upang mahanap ang balanseng ito. Hindi maaaring manatiling paralisado ang ating ekonomiya. Kung ipatutupad ang GCQ, maraming industriya ang mabibigyan ng pahintulot na magbalik sa normal na operasyon. Ayon sa panukala ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ang mga industriyang ito ay ang mga sumusunod: agriculture, fisheries, forestry sectors, food manufacturing at ang supply chain nito kasama ang ink, packaging, at raw materials, supermarket, hygiene product, hospitals, medical clinics, veterinary clinics, logistics, water, banks, energy, internet, telecommunications, at media.
Kung ang mga industriyang ito ay babalik sa normal ang operasyon, makatutulong ito sa maagang pagsimula ng pagbangon ng ating ekonomiya. Kailangan lamang talaga ng ibayong pag-iingat. Maraming mga bansa gaya ng Taiwan, Vietnam, Thailand, at South Korea ang hindi kinailangang mag-lockdown para mapagtagumpayan ang pandemyang kinahaharap ng mundo. Nagpatuloy ang pagtakbo ng kanilang ekonomiya. Kung kinaya ng mga bansang nabanggit, malamang ay kaya rin natin. Ibayong pag-iingat at mahigpit na pagsunod sa mga panuntunang ipinatutupad ang susi upang maging epektibo ang GCQ. Kailangan din ng disiplina ng bawat isa.
Ang pagpapatupad ng GCQ ay isang hakbang patungo sa mabagal na pagbalik sa normal na takbo ng buhay at ng ekonomiya. Hindi tayo maaaring magpabihag sa ating takot. Kailangang tumakbo muli ang ekonomiya para sa ikabubuti ng lahat. Marami na ang nawalan ng hanapbuhay. Maraming pamilya ang nanganganib na magutom. Maraming kabataan ang maaaring mahinto sa pag-aaral. Kailangan na nating kumilos upang maibangon ang ekonomiya.
Ako ay naniniwala na basta manatiling disiplinado ang mga tao at masigurong maayos ang pagpapatupad ng mga protocol ng GCQ, magiging maayos ang lahat. Basta ugaliin pa rin ang social distancing, palagiang paglilinis ng paligid, palagiang paghuhugas ng kamay, at pagsusuot ng tamang face mask ay maiiwasan natin ang pagkalat ng virus habang tumatakbo ang ekonomiya. Ang patuloy na pagtaas ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa sa kabila ng pagpapatupad ng ECQ ay isang senyales na hindi ito lubos na epektibo.
Kailangan nang kumilos ang ating pamahalaan para sa ating ekonomiya. Huwag natin hintaying tuluyang bumagsak ang ekonomiya at mabaon tayo sa utang sa ibang bansa. Gawin natin ang ating bahagi bilang mamamayan at suportahan ang pamahalaan sa kung anuman ang kanilang maging desisyon ukol sa pagpaptupad ng ECQ at GCQ. Sa ngayon, iyan lamang ang tanging paraan upang masiguro ang ating tagumpay laban sa krisis na ito. Makiisa tayo sa gobyerno. Nawa’y hindi magtagal ay maipatupad na ang GCQ para sa ating ekonomiya.
Comments are closed.