CAIRO, Egypt – ISANG bagay na paborito kong gawin sa tuwing ako’y nagbabakasyon sa ibang bansa ay ang alamin ang estado ng industriya ng koryente sa bansang iyon. Ganoon din ang aking ginawa rito sa Egypt. Ang pagbisita sa mga bagong lugar ay tumutulong sa pagpapalawak ng aking pagpapahalaga sa iba’t ibang aspeto ng buhay. Halimbawa, ang aking trabaho bilang isang propesyonal sa industriya ng koryente ang nagturo sa akin ng importansiya na pag-aralan at pahalagahan ang bawat aspeto ng industriyang aking ginagalawan. Bilang bahagi ng industriyang ito, nasaksihan ko kung paano mabilis na umunlad ang ating industriya sa mga nagdaang taon. Tayo ay kasalukuyang nasa panahon ng pagbabago sa industriya dahil sa pagpasok ng iba’t ibang makabagong teknolohiya na nakatutulong sa pagsiguro ng pagkakaroon ng sapat na supply ng koryente sa ating bansa.
Dala na rin sa napili kong propesyon, hindi ko maiwasang hindi maging interesado sa estado ng industriya ng koryente ng ibang bansa. Isang artikulong isinulat ni Mohammed El-Said sa Daily News Egypt ang nakatawag ng aking pansin. Nabanggit sa nasabing artikulo na tila hindi binibigyang pansin ng Egypt ang panawagan na ihinto ang paggamit ng coal sa industriya. Sa katunayan, nabanggit ng manunulat na patuloy na namumuhunan sa mga coal-fired na mga proyekto ang bansa. Ayon sa datos ng paggamit ng coal sa paggawa ng koryente sa buong mundo, hindi tugma sa Paris Agreement Benchmarks ang iskedyul ng Egypt. Pagpatak ng 2020 at 2030, tinatayang aabot pa sa 10,000 Terawatt-hour (TWh) ang kabuuang paggamit ng coal ng bansang Egypt. Sa 2040 naman ito ay tinatayang bababa sa 7,500 TWh at pagdating ng 2050, ito ay magiging 5,000 TWh. Ang lahat ng ito ay hindi tugma sa Paris Agreement Benchmark.
Sa pagsusuri sa mga ginawang pag-aaral ng coal sa rehiyon ng Timog Silangang Asya, napag-alaman ko na ang coal ay malaking bahagi pala ng power mix sa kabila ng mga hakbang na ginagawa ng bawat bansa rito patungo sa pagkakaroon ng mas malinis na koryente. Hindi lamang dalawa o tatlong taon ang ating pinag-uusapan dito dahil ayon sa datos, mananatiling kabilang ang coal sa power mix ng Timog Silangang Asya. Ayon din sa iba’t ibang pagsasaliksik na ginagawa sa industriya sa rehiyon, gaya ng Wood Mackenzie Study, mas lalago at tataas pa ang paggamit nito pagdating ng taong 2027 kung saan saka lamang ito bababa.
Sa katunayan, naibalita rin na sinisikap ng gobyerno ng Indonesia ang paggamit ng 23% na renewable energy (RE) sa kanilang power mix pagdating ng taong 2025. Ito ay halos doble ng kanilang kasalukuyang antas na 12%. Hindi magiging madali ang layunin nilang ito dahil nananatiling coal ang magiging pangunahing pagkukunan ng koryente sa Indonesia. Ayon sa mga eksperto mula sa Moody, “difficult to achieve because capacity expansion plans are still dominated by coal.” Ayon din sa datos na inilabas ng International Energy Agency, ang pangangailangan sa coal ay tumaas pa sa pangalawang sunod na taon at umabot sa 0.7% noong 2018.
Ipinakikita ng mga datos na ito mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa rehiyon ng Timog Silangang Asya na mananatiling coal ang pangunahing pagkukuhanan ng koryente rito lalo na ng mga bansang mabilis ang pag-unlad ng ekonomiya sa kabila ng malawakang inisyatiba ukol sa pagkakaroon ng mas malinis na pagkukuhanan ng koryente. Ayon pa sa Wood Mackenzie Study na nabanggit sa artikulo, “the reality of rising power demand and affordability issues in the region mean that we will only start to see coal’s declining power post-2030.”
Sa aking personal na opinyon, ipinakikita lamang ng iba’t ibang halimbawang nabanggit kung gaano kakomplikado ang pagtutulak ng pagbabago sa industriya ng koryente pagdating sa usapin ng pagkukuhanan nito at kasama rito ang paghinto sa paggamit ng coal dahil nananatiling coal ang pinakamaaasahan at pinakamurang pinagkukuhanan ng koryente nitong mga nagdaang taon.
Binibigyang-diin ng ibat’t ibang pagsusuri at pagsasaliksik ang patuloy na paglaki sa pangangailangan ng coal sa Asya dahil sa abot-kayang halaga nito at dahil na rin sa madali ang pagkuha nito. Lumabas din sa resulta ng nasabing mga pag-aaral na hindi lamang mananatili ang coal bilang pangunahing pagkukuhanan ng koryente sa Timog Silangang Asya kundi lalaki at tataas pa ito at maaabot ang rurok sa taong 2027 bago makikita ang pagbaba sa demand nito. Pagdating ng taong 2040, tinatayang aabot sa 36% ng power mix ng Timog Silangang Asya ang manggagaling sa coal. Ang mataas na porsiyentong ito ng demand ay dahil sa Indonesia at Vietnam na bumubuo sa halos 60% ng demand sa koryente ng rehiyon sa taong 2040.
Malaki ang aking paniniwala na importante ang paghanap sa balanse sa mga bagay-bagay – maging usapin man ito ng buhay o sa pagkukuhanan ng koryente. Mahalaga ito para sa pagtutulak ng pagbabago patungo sa mas maunlad na buhay o bansa. Sa patuloy na pagtulak ng pag-unlad ng bansa, maraming posibilidad ang nagbubukas sa industriya ng koryente lalo na sa usapin ng pagkukuhanan nito. Lagi namang may panahon at pagkakataon upang masanay sa mga pagbabago.
Sa aking pagbabalik-tanaw, naikumpara ko ang sitwasyon ng Egypt sa sitwasyon ng Timog Silangang Asya, at ng Filipinas, at dito ko napagtanto na tayo’y nasa panahon ng pagbabago sa industriya ng koryente. Mismong ang bansang Egypt ay may sariling paglalakbay patungo sa pagbabago nito at unti-unting pagbitaw sa coal. Kaugnay nito, wala tayong kailangang ipangamba at lalong hindi dapat mawalan ng pag-asa para sa ating sitwasyon. Tiyak na umuusad tayo patungo sa pag-unlad at mukhang tayo ay nasa tamang landas. Hindi ako nawawalan ng pag-asa na balang araw ay makakamtan din ng ating bansa ang perpektong energy mix na naaangkop sa ating bansa na siyang makapagbibigay sa atin ng sapat at maaasahang supply ng koryente na abot-kaya ang halaga para sa ating mga konsyumer.
Pagdating ng araw na iyon, masasabi natin ng buo ang loob na ang ating industriya ay pang-world class na.