PANAWAGAN NG BFP: AGARANG AKSYON KONTRA SUNOG

NAKABABAHALA ang pagtaas ng bilang ng insidente ng sunog ngayong taon, mayroong 3,044 na naitalang kaso mula Enero hanggang ika-1 ng Marso, ayon kay Annalee Atienza, tagapagsalita ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Binanggit din niya na sigarilyo ang pangunahing sanhi ng karamihan sa mga insidenteng ito.

Kasama rin sa mga pangunahing sanhi ang apoy ng lutuan at electrical ignition.

Kung ihahambing sa bilang na 2,424 sa loob ng parehong panahon noong 2023, nasa 25.6% ang itinaas ng dami ng sunog ngayong 2024. Kaya dahil sa nakaaalarmang numero na ito, nananawagan ang BFP sa publiko upang gumawa ng mga kinakailangang hakbang upang maiwasan ang sunog. Ayon kay Atienza, karamihan sa mga sunog ay nangyayari sa mga tahanan.

Maaalalang dahil sa kagustuhang matugunan ang nakababahalang pagtaas ng mga insidente ng sunog sa mga buwan ng Marso at Abril, itinakda ang Marso bilang Buwan ng Pag-iwas sa Sunog (Fire Prevention Month) sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 115-A (1966).

Ayon sa datos ng BFP, ang mataas na bilang ng mga sunog sa buwan ng Marso at Abril ay kaugnay rin ng pagtaas ng temperatura dahil sa tag-init.

Bilang pangunahing ahensiya ng pamahalaan sa paglaban sa sunog, layunin ng BFP na bigyang-diin ang kahalagahan ng kaligtasan sa sunog, lalo na sa mga tahanan, sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at pagsusulong ng pagkakaisa.

Ang tema ngayong taon ay “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi Ka Nag-iisa.” Ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagkakaisa at kooperasyon upang magkaroon ng komunidad na matatag at ligtas sa sunog.

Inirerekomenda ng BFP ang pagsasaayos ng mga koneksiyon ng koryente sa ating mga tahanan kada dalawang taon. Mga lisensiyadong propesyunal din umano ang dapat na gumawa nito. Bukod pa rito, mahalaga rin ang pag-iingat sa paggamit ng mga kagamitang de-koryente at ang pagsasagawa ng mga drill upang mabawasan ang panganib ng sunog.
(Itutuloy)