MARAMING mananakay ang umano’y nalito sa magulong pagpapatakbo ng PITX.
Noong 2015, iginawad ng pamahalaan sa Megawide ang isang Build-Transfer-Operate concession sa loob ng 35 taon para itayo ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), isa sa mga importanteng solusyon ng gobyerno para magkaroon ng kalutasan ang malubhang trapiko sa Kalakhang Maynila.
Pero ang modernong terminal na dapat sana’y magbibigay-ginhawa sa mga mananakay ay nanganganib na masayang lamang dahil sa napabalitang order ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transport Franchising Regulatory and Franchising Board (LTFRB). Ang dalawang ahensiya na ito na ang mandato ay bigyan ng maayos, maginhawa at episyenteng transportasyon ang taumbayan ay nagpalabas ng magkaibang regulasyon kung paano patatakbuhin ang PITX na nagresulta ng kalituhan sa mga mananakay nang ito’y buksan noong nakaraang buwan.
Nag-isyu kasi ang LTFRB ng Memorandum Circular (MC) 2018-020 noong Setyembre 13, 2018 kung saan lahat ng pampublikong bus mula sa Timog Luzon ay dapat tumigil at tapusin ang kanilang ruta sa PITX kung sila ay babagtas sa coastal road at Cavite Expressway. Ang MC ay ginawa ng LTFRB matapos ang ilang buwang pakikipag-usap sa mga Cavite-Batangas bus operator.
Pero sa hindi malamang kadahilanan, ilang linggo bago opisyal na buksan ang PITX na dinaluhan pa ng Pangulo, naglabas ng Department Order (DO) no. 2018-025 ang DOTr at biglang binago ang inilabas na MC ng LTFRB.
Nakasaad sa DO 2018-025 ang pagpapahintulot sa 300 bus ng malalaking kompanya ng bus na huwag tumigil sa PITX at hayaang ipagpatuloy ang kanilang biyahe papasok ng Metro Manila hanggang Lawton, Pasay, Baclaran, EDSA at Ayala.
Dahil sa magkaibang order, pinababa ang mga mananakay mula sa Cavite/Batangas sa PITX sa mga bus na sinabihan ng LTFRB na huminto sa PITX. Pagkababa ng mga mananakay ay wala silang masakyan para makarating sa kanilang destinasyon sa Maynila kasi walang mga pampublikong sasakyan na nakaabang sa PITX.
Ang DO ng DOTr ay nagresulta ng kalituhan sa mga mananakay kasi may mga bus mula sa Cavite na kailangang huminto at tapusin ang kanilang ruta sa PITX at mayroong ibang bus naman na pinayagan na magpatuloy hanggang sa loob ng Maynila. Ang mga maliliit na operator ng bus mula Cavite at Batangas ang lubhang maaapektuhan ang negosyo dahil pipiliin ng mananakay ang mga bus na pinahintulutan ng DOTr na huwag huminto sa PITX.
Marami sa malalaking kompanya rin ng bus ang madaling nakapapasok sa loob ng Maynila kahit na ang mga ito’y provincial ang klasipikasyon ng prangkisa dahil pare-pareho ang marka ng kanilang mga bus, ito man ay city or provincial bus. Kawawa naman ang mga maliliit na bus operator na ang prangkisa ay provincial at sa PITX na humihinto.
MALING SENYALES PARA SA MGA NEGOSYANTE
Umabot sa P3.5 bilyon ang ginastos para itayo ang PITX at mukhang malulugi ang namuhunan at nagtayo nito at lalangawin lamang dahil sa maling pagpapatupad ng iba’t ibang regulasyon ng gobyerno. Kung talagang seryoso ang pamahalaan ni Pangulong Duterte na hikayatin ang mga negosyante na makibahagi sa ‘Build Build Build’ na kampanya nito, aba’y dapat lamang na ayusin nila ang pagpapatupad ng isang klarong patakaran na hindi babaguhin sa kalagitnaan ng pagpapatupad para lamang paboran ang ilang mga kompanya na malapit sa kanila o ‘di kaya’y nagbigay ng ‘ambag’ sa gobyerno.
Ang nakalilitong regulasyon ng LTFRB at DOTr ay nagbibigay ng maling senyales sa mga maliliit na operator ng pampublikong bus na handang sumunod sa batas na ipinapataw nila at gayundin sa mga namumuhunan na negosyante na handang gumastos para magtayo ng modernong terminal kagaya ng PITX.
Sayang naman kung hindi mapakikinabangan ng taumbayan ang isang modernong terminal na maaaring maihalintulad sa central station sa Hong Kong nang dahil lamang sa kapalpakan ng ahensiya ng gobyernong nangakong uunahin ang kapakanan ng mananakay.
Nawa’y sa bagong taon na ito ay maayos na ang issue para na rin sa mga mananakay na matagal nang nahihirapan sa uri ng public transportation sa bansa.
Comments are closed.