Nananawagan ang mga senador sa mga awtoridad na mabigyang hustisya ang pagkamatay ng tatlong mangingisdang Pilipino na nasawi nang mabangga ang kanilang bangkang pangisda ng dayuhang commercial vessel habang naglalayag malapit sa Scarborough Shoal.
Nagalit si Senate President Juan Miguel Zubiri sa insidente, na nagsabing nagkaroon ng pagwawalang-bahala sa buhay ng mga mangingisda na simpleng naghahanapbuhay sa sarili nating karagatan.
“We will not rest until we get to the bottom of this incident, and identify the vessel that rammed onto our fisherfolk. If it was an accident, we must figure out whether there was any attempt to assist our fisherfolk at all, as should have been done under international humanitarian laws,” ani Zubiri.
Kinondena naman ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang insidente at binanggit na iniwan ng dayuhang barko ang bangkang pangisda at ang mga mamamayang Pilipino sa karagatan.
“This despicable act is an affront to all Filipinos. I call on the authorities to leave no stone unturned. Kailangang mapanagot ang sinumang gumawa nito: sinuman sila, nasaan man sila. Hindi nila matatakasan ang batas,” ani ni Hontiveros.
Para kay Sen. Grace Poe, dapat mabigyan ng nararapat na parusa ang mga mapatutunayang responsable sa nasabing insidente.
LIZA SORIANO