(Panawagan ng party-list solon) GULO SA KONGRESO TIGILAN NA

Kabayan-Rep-Ron-Salo

NANAWAGAN si KABAYAN party-list Congressman Ron Salo sa tatlong kasamahan niya sa Kamara de Representantes na tigilan na ang mga intriga at pahayag na wala namang mabuting ibinubunga kundi sirain lang ang imahe ng Kongreso at mahati ang atensiyon ng mga mambabatas sa mga mas mahahalagang isyu na dapat na pagtuunan ng pansin.

Una nang pinuna ni Salo si BUHAY party-list Congressman Lito Atienza, na nagsabing ang napabalitang coup ni Marinduque Congressman Lord Allan Jay Velasco laban kay Speaker Alan Peter Cayetano ay gawa-gawa lamang.

Dagdag pa ni Salo: “Paano namang masasabi na gawa-gawa lang daw ni Speaker ang kuwento na coup attempt ni Velasco gayong may 20 congressman ang nagpatunay  na may ganito ngang maitim na balak ang kampo nila?”

Pinayuhan ni Salo si Atienza  na pagtuunan na lang ng pansin ang trabaho nito sa Kongreso sa halip na magpalabas ng mga walang katuturang pahayag laban sa liderato ng Kamara.

Isa pang binanatan ni Salo ay si Pwersa ng Ba­yaning Atleta (PBA) party-list  Congressman Jericho Nograles na nagsabing hindi kapani-paniwala ang planong pagpapatalsik kay Cayetano dahil ilang buwan na lang ang hinihintay ni Velasco para maupo bilang Speaker.

Binigyang-diin ni Salo na totoong may planong coup laban kay Cayetano at may ilan na rin siyang nakausap na nagsabing mga proyekto sa pambansang badyet at maging chairperson ng House committee ang ina­alok ng kampo ni Velasco para sumanib sa panig nito.

“May sinasabi pa itong si Nograles na kailangan daw na makita ng publiko na nakatutok ang Kamara sa pagpasa ng mga batas at hindi sa pamumulitika. Matagal nang nakatuon ang pansin ng Kamara sa pangunguna ni Speaker Alan sa napakaraming trabaho sa Kongreso. Sila itong walang ginagawa kundi sirain ang pagkakaisa ng mga mambabatas sa pagsasagawa ng maitim nilang mga balak,” ayon pa kay Salo.

“Pati ang pambansang badyet na binabantayan ni Speaker Alan para maipasa agad ay  kinakasangkapan nila para sa plano nilang pagsunggab sa puwesto,” dagdag pa ni Salo.

Nakatawag pansin din kay Salo ang mga pahayag ni dating Negros Occidental Congressman Alfredo Benitez  na nagsabing ang Visayas bloc sa Kamara ay susunod sa term-sharing agreement sa pagitan nina Velasco at Cayetano.

Sa ilalim ng kasunduang ito, unang uupo si Cayetano bilang Speaker sa loob ng 15 buwan, at susunod naman si Velasco sa loob ng 21 buwan na magsisimula sa  bandang Oktubre ng taong ito,

“Sana wag nang makisawsaw si  Benitez dito dahil nakakagulo lang sa halip na makatulong ang mga kaduda-dudang  sinasabi niya. Kung susunod daw sila sa term-sharing, bakit umugong ang planong patalsikin si Speaker at pangalan pa niya ang lumutang na sangkot sa coup na ito?

“Sa tingin ko, kinakabahan na sina  Velasco at Benitez dahil baka hindi na suportahan si Velasco ng mga kongresista dahil kitang-kita naman na maganda ang performance ng Kamara sa ilalim ni Speaker Alan at aprub lahat sa maayos niyang pamamalakad,” dagdag pa ni Salo.

Comments are closed.