NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), at Commission on Higher Education (CHEd) na palakasin ang mga programa laban sa Human Immunodeficiency Virus (HIV) kaugnay ng dumaraming bilang ng kaso nito sa bansa.
Sa pagwawakas ng 2019, 36 na kaso kada araw ang naitala ng Epidemiology Bureau ng DOH. Ito ay mas mataas sa 35 kasong naitala noong Hulyo 2019 at sa 32 kasong naitala kada araw noong 2018.
Batay sa ulat ng Joint United Nations Program on HIV and AIDS (UNAIDS), sa 77,000 Filipinong may HIV, 19,000 rito ay may edad na 15 hanggang 24.
Ayon pa sa UNAIDS, pinakamabilis kumalat ang HIV sa Filipinas kung ihahambing sa ibang bansa. Mula 2010 hanggang 2018, umakyat ng 203 porsiyento ang bilang ng mga bagong kaso ng HIV sa bansa. Katumbas nito ang 4,400 bagong kaso na umakyat sa 13,000.
Sa mga bagong kasong naitala, 81 porsiyento ay mula sa mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki. Halos tatlumpung (27.9) porsiyento lamang sa kanila ang sakop ng prevention program, samantalang mayroong halos limampung (49.8) porsiyento naman ang gumagamit ng condom bilang proteksiyon.
“Isa sa mga ugat ng sitwasyong kinakaharap natin ngayon ay ang kakulangan ng sapat na impormasyon na maaari sana nating ipalaganap sa ating mga paaralan. Nakakalungkot at nakababahala na sa kabila ng mga pagsisikap natin, lalo pang dumami ang mga kababayan nating nagkakaroon ng HIV,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Isang posibleng solusyon dito ani Gatchalian ay ang sexuality education. Aniya dapat inaalarma nito ang papel ng social media at mga ‘dating apps’. Lumalabas kasi sa isang pag-aaral ng United Nations na sa pamamagitan ng mga ‘dating apps’ ay madaling makahanap ang mga kabataan ng mga taong maaari nilang makatalik.
Dagdag pa ng senador, mahalaga ang papel ng mga paaralan sa pagbibigay ng kaalaman at proteksiyon sa mga kabataan.
Aniya, hindi sapat na ituro lamang sa mga kabataan ang mga solusyon, dapat din itong gawing abot-kaya para sa lahat. VICKY CERVALES
Comments are closed.