NANANAWAGAN ang isang paring Katoliko sa mga Pinoy na makiisa sa gagawing pagbabantay para sa mga halalang gaganapin sa bansa, kabilang dito ang plebisito sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Enero 21 at Pebrero 6, gayundin ang National and Local Elections (NLE) sa Mayo 13.
Binigyang-diin ni Rev. Father, P/Senior Supt. Lucio Rosaroso Jr., Vicar General ng Philippine National Police mula sa Military Ordinariate of the Philippines, na mahalaga ang partisipasyon ng lahat upang matiyak na magiging mapayapa, maayos at tapat ang nalalapit na pagdaraos ng mga naturang halalan.
“Ang hamon sa atin ‘yung every minute, every moment tayo that we are to be on guard always para mapanatili itong peace, ‘yung honest at saka ‘yung may integrity na eleksiyon…” ani Rosaroso, sa panayam ng church-run Radyo Veritas.
Nabatid na ang Military Ordinariate of the Philippines mismo ang nanguna sa Interfaith Prayer Rally, bilang bahagi ng 2019 Midterm Elections Unity Walk, Interfaith Prayer Rally and Peace Covenant signing na inorganisa ng Commission on Election (Comelec) at Philippine National Police (PNP) kamakalawa, bilang hudyat ng pormal nang pagsisimula ng election period sa bansa.
Bukod sa Military Ordinariate of the Philippines, nakibahagi rin sa ginawang Interfaith Prayer Rally ang Philippine Council of the Evangelical Churches at Imam Council of the Philippines.
Tinatayang umabot sa mahigit 6,000 katao ang dumalo sa pagtitipon mula sa iba’t ibang sektor na nananawagan ng kaayusan at kapayapaan sa darating na halalan kabilang na ang 600 volunteers mula sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV). ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.