PANAWAGAN PARA GAWING MAS SAFE ANG E-WALLETS

KAMAKAILAN ay nag­karoon ng mga balita at reklamo mula sa ilang account hol­ders ng GCash na sila ay nawalan ng pera sa kanilang eWallet. Naayos na umano ng GCash ang problema at naibalik na ang mga nawawalang halaga. Pero ayon pa rin sa mga ulat, hindi pa naibalik ang buong halaga para sa ilang mga nag­reklamo.

Sinabi rin ng GCash na hindi sila na-hack at problema raw ito sa kanilang internal na pro­seso. Hindi naniniwala ang iba, dahil marami na rin umanong insidente ng pagkawala ng pera ang nangyayari noon pa man.

 Nagbigay ng pa­alala ang mga awtoridad na kung mangyari ito sa sinumang may eWallet, i-report agad ang insidente sa kompanya mismo ng naturang eWallet at sa kinauukulan. Hindi makatutulong ang pagpapakalat ng mga report sa social media upang maibalik ang perang  nawawala. Upang maaksiyunan agad ito, ang maayos na pagrereport sa kinauukulan ang kailangan.

Nagpaalala rin ang mga opisyal ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na huwag basta-basta mag-click ng mga links at iba pang mga notifications o text messages, lalo na ngayong paparating na ang Pasko.

 Naglipana ang mga scammers at nasa atin din ang tamang pag-iingat upang makaiwas sa mga krimeng ganito.

Pinagkakatiwalaan ng madla ang mga eWallet companies na ito at malalaking halaga ang inilalagay nila rito, kaya naman responsibilidad talaga ng mga kompanyang ito na harapin ang bawat reklamo, aksiyunan nang agaran, at patatagin pa ang kanilang security. Kailangan ng accountability at sinseridad sa kanilang mga mensahe sa kanilang mga customers. Kailangang ipakita ng eWallet companies, partikular ng GCash, na hindi na ito mauulit.