(Panawagan sa CSC)ENDO SA GOBYERNO TULDUKAN NA

CSC-2

NANAWAGAN si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Civil Service Commission (CSC) na tugunan ang mataas na bilang ng mga empleyado sa gobyerno na kabilang sa Job Order (JO) at Contract of Service (COS), at gawaran sila ng security of tenure lalo na kung sila ay may civil service eligibility.

“Pag-upo pa lang natin noong 2016 bilang senador, paulit-ulit na nating pinapalitaw kada budget hearing ang isyu na ito ng mga JOs and COS workers sa gobyerno. Panahon na para wakasan ang kontraktwalisasyon sa pamahalaan,” ani Villanueva.

Sinabi ng senador na habang ang pamahalaan ay may 170,688 na hindi napupunang mga posisyon, kasalukuyan naman itong may 642,077 na empleyado sa ilalim ng JO at COS, na kumakatawan sa 26.07% ng kabuuang bilang ng mga manggagawa sa gobyerno.

Ayon sa datos ng CSC, ang mga ahensiyang may pinakamataas na bilang ng mga empleyadong JO at COS ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) (22,457), Department of Education (DepEd) (12,465), Department of Health (DOH) (8,188), Department of Social Welfare and Development (DSWD) (7,340), at Department of Environment and Natural Resources (DENR) (5,487).

Lumalabas din sa datos ng CSC na ang mga sumusunod na ahensiya ang may pinakamataas na bilang ng mga unfilled positions: DPWH (3,180), DepEd (47,034), DOH (21,038), DSWD (381) at DENR (2,430).

Sinabi ng Senate Majority Leader na bagaman mataas ang bilang ng unfilled positions sa mga ahensiya ng gobyerno, hindi naman kuwalipikado rito ang karamihan sa mga empleyadong JO at COS sapagkat wala silang civil service eligibility

Kaugnay nito, naghain si Villanueva ng Senate Bill No. 568 na nagtatatag ng Skills Certificate Equivalency Program (SCEP) na nagkakaloob ng civil service eligibility para sa mga graduate ng technical and vocational education and training courses na may National Certificate (NC) mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Bilang tagapagsulong ng kapakanan ng mga manggagawa, naghain din ang senador ng Senate Bill No. 131 o ang Civil Service Security of Tenure Act na nagbibigay ng permanenteng appointment at automatic civil service eligibility sa lahat ng kaswal at kontraktwal na empleyado sa pamahalaan na nanilbihan ng hindi bababa sa limang taon sa national government, at hindi bababa sa anim na taon sa local government units, na may satisfactory rating o mas mataas pa sa nagdaang tatlong taon ng serbisyo.

Pinuri naman ni Villanueva ang pagbibigay ni CSC ng “preferential rating” para sa mga empleyadong JO at COS sa susunod na civil service examination, na may konsiderasyon sa bilang ng taon ng serbisyo.

“This is a welcome development on the part of the CSC to secure jobs for JO and COS workers in the government. Tapusin na natin ang endo sa gobyerno,” sabi ni Villa­nueva.

VICKY CERVALES