NANAWAGAN ang isang senador sa Department of Transportation (DOTr) na ilabas na ang P3 billion subsidy para sa public utility vehicle (PUV) drivers sa gitna ng patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Ang panawagan ay ginawa ni Senadora Grace Poe, chairperson ng Senate public services committee, bilang tugon sa anunsiyo ng Department of Budget and Management (DBM) na ang isang joint memorandum circular na nilagdaan ng mga kinauukulang ahensiya ay kailangan munang ipalabas bago maaaring ilabas ang pondo para sa fuel subsidy na inilatag sa 2023 budget.
“Inilatag na natin sa 2023 budget ang P3 billion fuel subsidy na hindi pa rin nagagamit kahit halos matatapos na ang taon. The DOTr must immediately issue the memorandum circulars and execute the memorandum of agreement necessary for the release of the long overdue fuel subsidy,” ani Poe.
“We understand the plight of our drivers and operators amid the series of oil price hike. If we hike the fare, then it’s the public who will be burdened by this. Would the public be able to pay for it when a fare hike was implemented just last year?” dagdag pa ng senadora.
Kasabay nito ay muling nanawagan si Poe sa Executive department na suspendihin ang excise tax sa fuel at petroleum products hanggang sa bumaba ang presyo.
“I file it every Congress and will do so again in the future if necessary. Dapat pangunahing sandalan ng mga tsuper ang gobyerno tuwing may pagtaas sa presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado,” dagdag ni Poe.
Ngayong Martes ay muling magpapatupad ang mga kompanya ng langis ng price hike sa kanilang mga produkto.
Ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tataas ng P1.10, diesel ng P0.20, at kerosene ng P0.70.
Ito na ang ika-6 sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-7 na sunod para sa diesel at kerosene.