(Panawagan sa employers)13TH MONTH PAY IBIGAY SA TAMANG ORAS

DAHIL malapit na ang Pasko, hinimok ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Labor and Employment(DOLE) na pumasok sa isang Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Local Government Units (LGUs) upang maobliga ang mga employer na magbayad ng 13th month pay sa tamang oras.

Sa joint hearing ng Senate Committee on Labor and Employment and Human Resources Development nitong Martes, sinabi ni Tulfo na dapat pumirma ang DOLE at Business Permits and Licensing Office (BPLO) ng MOA para harangin ang renewal ng business permits ng hindi sumusunod at hindi nagbabayad na employers.

“Magpa-Pasko na po. This is the time of the year kung saan inaasam ng ating mga manggagawa na makatanggap po sana sila ng kanilang 13th month pay. Ang nangyayari po kasi kadalasan ay hindi naibibigay ito sa kanila dahil ginugulangan at dinudugasan sila ng kanilang mga employer,” ani Tulfo.

Sa ilalim ng batas, dapat matanggap ng mga empleyado ang kanilang 13th month pay sa araw na hindi lalagpas sa Disyembre 24 ng bawat taon. Pero kahit mayroon ng batas tungkol dito, maraming employers pa rin ang hindi nagbabayad sa tamang oras.

Ani Tulfo, isang beteranong broadcaster at public servant na host din ng “Wanted sa Radyo”, marami na siyang reklamong natanggap mula sa mga mangagagawa na hindi nakatanggap ng 13th month pay.

Sa MOA, sinabi niya na dapat malinaw na ang mga kompanyang magre-renew ng kanilang business permits ay dapat munang magpakita ng ebidensiya sa BPLO na naibigay na nila ang 13th month pay ng kanilang mga empleyado at nai-release ito sa tamang oras.

Sinabi ni Tulfo kay DOLE Asec. Leonard Constantine-Serrano na hindi sapat ang pagbibigay lamang ng advisories na nag-aatas sa mga employer na i-release ang 13th month pay ng kanilang mga empleyado.

“Hangga’t hindi po sila nasasaktan, balewala po ‘yang advisory na iyan dahil kahit nga may batas na tungkol sa 13th month pay ay sinusuway pa rin ito ng mga employers. Kailangan po makatikim sila ng consequence para sila po ay umaksiyon,” sabi ni Tulfo.

Upang alertuhin ang mga employer tungkol sa MOA na ito, iminungkahi ni Tulfo na dapat maglabas ng opisyal na pahayag ang DOLE sa media na binabalaan ang mga employer sa posibleng hindi pag-renew ng kanilang business permit sakaling hindi sila sumunod sa utos ng DOLE.

VICKY CERVALES