PANAWAGAN SA NEA: PAGPAPAILAW SA BARMM PONDOHAN

NEA

WALA ni isang sentimo sa kabuuang P1.627 bilyong pondo para sa Sitio Electrification Program (SEP) sa susunod na taon ang nakalaan para sa mga residente ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ito ang nagbunsod kay Senador Win Gatchalian para himukin ang National Electrification Administration (NEA) na maglagay ng bahagi ng budget ng SEP para sa nasabing rehiyon.

“Nakikiusap ako kung maaari ninyong isaalang-alang ang matagal nang hiling ng mga kababayan natin sa malalayong mga sitio sa BARMM na magkaroon sila ng koryente lalo na’t marami sa mga lugar sa rehiyon ay napapalibutan ng mga rebelde. Isang paraan para maiwaksi ang mga rebelde ay ang pagkakaroon ng sapat ng koryente at maiangat ang kabuhayan ng ating mga kababayan,” giit ni Gatchalian sa gitna ng pagdinig sa panukalang P3.896 billion na corporate operating budget ng NEA na nasa ilalim ng 2022 National Expenditure Program (NEP).

Paliwanag ng bagong talagang NEA administrator na si Emmanuel Juaneza sa Senate Finance Subcommittee E, kung saan chairperson si Gatchalian, ang hindi magandang peace and order situation sa BARMM ang nagbunsod para ipagpaliban nila ang paglalaan ng pondo ng SEP sa rehiyon sa susunod na taon.

“Alam nating lahat na ang BARMM ang isa sa pinakamahirap na lugar sa ating bansa. Ito ang dahilan kung kaya  kailangan nating iparamdam sa mga taga rito ang pagmamalasakit at pagsisikap ng ating gobyerno na mabigyan sila ng mas magandang buhay,” sabi ng Senate Energy Committee chairperson.

Pinuna ni Gatchalian ang paglalagay ng bilyong pondo para sa barangay development program ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC) para magbigay-daan sa pagpapatayo ng farm-to-market roads, schools, livelihood programs at pagtatatag ng rural electrification sa mga lugar na pugad ng mga rebelde.

“Importante na makaabot ang tulong sa mga kababayan nating nasa malalayong lugar upang maramdaman nila ang serbisyo ng gobyerno. Kaya kailangan nating pagtuunan ng pansin ang BARMM at ang mga pinakamahihirap na lugar sa bansa. Isang paraan para maiangat sa kahirapan ang ating mga kababayan ay ang pagkakaroon nila ng kuryente,” ayon sa senador.

Sinabi ni Juaneza na nakikipagtulungan na sila sa NTF ELCAC para mabigyan sila ng kaukulang suporta sa problemang may kinalaman sa peace and order situation na isa sa mga malaking balakid na hinaharap nila sa paglalagay ng koryente sa mga malalayong lugar tulad ng sitwasyon sa BARMM.

“Sa kasalukuyang alokasyon namin, pipilitin naming tutukan ito at maglagay ng kaukulang pondo sa BARMM at nakikipag-ugnayan na kami sa Department of Energy para rito. Maaari siguro kaming makalikom ng pondo, mga P450 milyon para magkaroon ng alokasyon sa BARMM,” sabi ni Juaneza kay Gatchalian.        VICKY CERVALES