(Panawagan sa pamahalaan) P15K DIRECT SUBSIDY SA RICE FARMERS

NANAWAGAN ang isang rice watch group sa pamahalaan na magkaloob ng direct subsidies sa rice farmers upang tulungan silang makayanan ang tumataas na halaga ng produksiyon ng palay.

“Nanawagan tayo ng at least 15,000 pesos na direct subsidy mula sa pamahalaan para sa mga magsasaka para ma-cover ‘yung cost of fertilizer na ginagamit ng mga magsasaka,” wika ni Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo sa panayam sa Dobol B TV kahapon.

Ayon kay Estavillo, ang P10-billion Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) sa ilalim ng Rice Tariffication Law ay hindi sapat para matulungan ang mga magsasaka.

Nilalaman ng RCEF ang  P5 billion kada taon para sa rice farm machinery and equipment;  P3 billion para sa rice seed propagation;  P1 billion credit line para sa rice farmers; at  P1 billion para sa extension services.

Mula sa sobra sa P10 billion na makokolekta sa imported rice, inaprubahan ni Presidente Rodrigo Duterte ang pagkakaloob ng P5,000 tulong pinansiyal sa mga magsasaka na nagtatanim sa dalawang ektaryang lupain at pababa.

Gayunman, sinabi ni Estavillo na sa kabila ng mas mataas na production, ibinebenta ng mga magsasaka ang kanilang produkto sa mas mababang presyo dahil sa pagbaha ng imported na bigas.

Hindi rin, aniya, nakatulong ang pagbaha ng  imported na bigas para mapababa ang retail price. Katunayan, sinabi ng grupo na tumaas ang presyo ng regular well-milled rice sa P40 kada kilo mula P38.

Idinagdag pa ni Estavillo na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo ay naging sanhi rin ng pagsipa ng retail prices ng bigas.