NAIS si Senate Majority Leader Joel Villanueva na i-waive ang examination fee ng Professional Regulations Commission (PRC) at Civil Service Commission (CSC) para mahikayat ang mga hindi kayang magbayad na kumuha ng professional licensure exams.
Layon ng Senate Bill No. 1323 o ang “Free Professional Examinations Act” na inihain ni Villanueva na mabawasan ang pinansiyal na pasanin ng mga nagtapos na kailangang sumailalim sa mga professional licensure exams.
Sinabi ng Majority Leader na dapat ipagdiwang ang tagumpay ni Dexter Valenton bilang unang Aeta na nakapasa sa Criminology Board Exam.
“Si Dexter ay hindi lamang isang inspirasyon sa Aeta community maging sa bawat Pilipino na huwag tumigil sa pangangarap at pagkamit ng kanilang mga layunin,” sabi niya.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang isang kuwalipikadong indigent ay “isang tao na wala o hindi sapat ang kita para sa mapunan ang pangunahing pangangailangan ng kanyang pamilya, na maaaring matukoy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).”
Ayon sa PRC, 633,551 examinees ang kumuha ng board exams noong 2022 kung saan 311,381 ang first time examinees.
Ayon sa panukalang batas, ang mga first time applicant ay maaaring makakuha ng 100% exemption sa examination fee at 50% ng examination fee kung kailangan muling kumuha ng exams
Nagkakahalaga ang examination fee ng PRC mula P400 hanggang P 1,300 depende sa uri ng examination na kukunin. Samantala, P 500.00 naman ang bayad sa pagkuha ng Career Service Examination para sa Professional at Sub-Professional levels ng CSC. Bukod sa examination fees, may iba pang gastusin na kailangang sagutin ng mga examinee bago kumuha ng mga examination.
“Nalulungkot akong isipin na ang ilan sa ating mga graduates ay hindi magagamit ang kanilang pinag-aralan dahil lamang sa hindi nila kayang bayaran ang examination fee para makuha ang kanilang professional license o civil service eligibility,” aniya.
Binigyang-diin din ng senador na habang bumababa ang unemployment rate ng bansa, ang mataas na rate ng underemployment ay isa pa ring alalahanin.
Noong Nobyembre 2022, ang Unemployment rate ay nasa 4.2% na katumbas ng 2.18 milyong Pilipino habang ang underemployment ay nasa 14.4% o 7.16 milyong Pilipino.
“Desidido tayong maghanap ng mga solusyon ang problema ng unemployment sa bansa kaya naman isinusulong natin ang mga ganitong batas upang makatulong na matiyak na ang bawat Pilipino ay hindi lamang magkakaroon ng trabaho kundi isang de-kalidad na trabaho na akma sa kanilang mga kwalipikasyon,” sabi pa ni Villanueva.
Si Villanueva ang pangunahing may-akda at sponsor ng First Time Jobseekers Assistance Act upang gawing libre ang mga pagkuha ng dokumentong kailangan ng mga first time jobseeker na kinakailangan para sa employment.
VICKY CERVALES