NANAWAGAN si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Guillermo Eleazar sa publiko na tulungan silang hanapin ang mga tinuturing na ‘ninja cops’ kaugnay sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng drug queen na si Guai Gomez Castro.
Sa isang forum sa Balitaan sa Maynila, sinabi ni Eleazar na bago pumasok ang administrasyong Duterte ay pinangalanan na si Castro na nasa listahan na ng drug watchlist.
Aniya, nagsagawa ng 34 operations sa iba’t ibang okasyon ang station commander sa lugar.
At kahit na maliliit lamang itong operasyon, mahigit 70 ang naaresto at karamihan ay mula sa barangay ni Castro na umano’y pinagmumulan ng ilegal na droga.
Dagdag pa ni Eleazar na ngayong nalantad na ang isyu ay tuloy -tuloy na ang kanilang paghahanap sa ninja cops at sa tinaguriang drug queen kung saan bumuo na ng intel force sa koordinasyon na rin ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Unit (PDEA), at iba pa.
“Kung talagang mayroon pang natitirang ‘ninja cops’ diyan, tulungan niyo kaming hanapin sila at hahanapin natin ‘yan” ayon pa sa NCRPO chief.