PANG-AABUSO SA MGA BATA LABANAN-ARCH PABILLO

HINIKAYAT ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, ang apostolic administrator ng Archdiocese of Manila ang mga mananampalataya na labanan ang lumalalang problema ng pang-aabuso sa mga bata sa bansa.

Sa pinangunahang banal na misa para sa Pista ng Santo Niño sa Santo Niño de Tondo Parish, sinabi ni Pabillo na dapat maging mapagmatiyag ang mga deboto kaugnay sa mga insidente ng pang-aabuso sa mga bata.

“Sa ating bansa, maraming mga bata ay biktima ng violence, ng human trafficking, ng sexual abuse, ng cybersex,” dagdag pa ni Pabillo. “We should all be vigilant to prevent this… Kung talagang tayo ay mga deboto ng Santo Niño, dapat nagkakaisa tayo na labanan ang pagsasamantala sa mga bata.”

Aniya, ang pang-aabuso sa bata ay isa ring problema ng Simbahang Katolika, na tinutugunan na ng institusyon.

“Pati nga sa simbahan, nangyayari ang panga-abuso sa mga bata. Kaya malaking iskandalo ang pedophilia sa simbahan. At ito’y lubha nating pinagsisihan, na nagpabaya tayo, at binabago,” aniya pa.

Gayunman, mas marami aniyang insidente ng sexual abuse sa mga bata sa mga pamilya, lalo na ngayong panahon ng pandemya na nakakulong ang lahat sa mga bahay.

Matatandaang nitong Linggo, ipinagdiwang ang pista ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan.

Dahil sa COVID-19 pandemic, hindi gaanong siksikan ang mga deboto sa kalsada malapit sa Santo Niño de Tondo Parish, gayundin sa Sto. Niño de Pandacan Parish.

Mahigpit na nagpatupad ng health protocol sa lugar, tulad ng pagkakaroon ng contact tracing form.

Nasa 300 deboto lang ang pinayagang pumasok sa loob ng simbahan. Karamihan naman ng nakilahok sa misa sa labas ay nakatayo sa mga marker.

Inilabas na lamang sa Pandacan at Tondo ang imahen ng Santo Niño para matanaw ng mga deboto sa labas ng mga simbahan. Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.