PANGAKONG KO TINUPAD NI TOYOGON

SAKSI ang boxing afficionados ng Ilocos Sur, sa pangunguna ni Gov. Ryan Louis Singson, kasama ang mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan sa katuparan ng pangakong knockout ni Al Toyogon matapos pabagsakin ang karibal na si Joe Tejones sa main event ng 2022 ‘Bakbakan sa Ilocos Sur’ Pro Boxing  – Mixed Martial Arts and Muay Thai Tournament Sabado ng gabi sa Quirino Stadium, Bantay Ilocos Sur.

Matapos magpakiramdaman sa unang round at ang pagtantiya ng lakas, agad na sumaltik ng perpektong kumbinasyon si Toyogon ng Elorde Boxing Gym Ilocos Sur, sapat na para patumbahin si Tejones (13-10-0 7KO), may 2: 21 segundo sa second round ng itinakdang 10-round bout.

Naunang nakabawi si Tejones sa dalawang pagbagsak, ngunit sa ikatlong pampinaleng bigwas ni Toyogon ay tuluyang inihinto ni referee Sammy Bernabe, Sr. ang laban sa saliw ng hindi magkamayaw na hiyawan ng hometown fans.

Sa supporting main bout, umiskor  ng TKO victory si Jules Victoriano ng Elorde South Box, may 2:51 seconds na lang sa 3rd round kontra Dave ‘The Triggerman’ Barlas ng Polomolok, South  Cotabato.

Nauwi naman sa split draw ang boxing prodigy ng  Sabang,  Cabugao, Ilocos Sur na si Eusebio Corotan Jr.,  para sa kanyang pro debut sa bantam division laban sa astig ding si Josaphat Navarro (Benguet)  ng SiamYout Nak Muay Stable.

Nagwagi rin ang Tamayo brothers ng MP Malabon Gym, naitala ni Bryan ang unanimous decision kay Aroel Romasasa ng Elorde Boxing at Gary (UD) kontra Jeffrey Francisco ng BMA Center Gym Alabang.

Ang score cards ang naging batayan para sa technical decision win  ni flyweight  Elmar Zamora ng MP Malabon Gym matapos ma-headbutt ng kalabang si Carl Jeffrey Basil ng Mabikas Boxing Stable Baguio.

Sa main bout ng Pro Muay Thai, hindi binigo  ni Adrian Gemar ng Elorde Ilocos Sur ang kanyang fans matapos itala ang unanimous decision  victory  laban kay Mark Joseph Abrillo ng Yawyan Kampilan. Wagi via submission ang piningas sa pro  debut ni Richard Lachica ng Elorde Southbox sa Pro MMA match vs Daryl Mayormita ng Yawyan Kampilan -Las Pinas (63kgs).

Nagpasalamat si Gov.  Ryan sa mga taong sumuporta sa naturang torneo kaagapay ang lokal na pamahalaan ng Ilocos Sur,  kay Games and Amusement Board (GAB)  chairman Baham Mitra Jr., Provincial Sports Coordinator Mr.  Marius Cabudol,   boxing in-charge officer Vaness Nunez Reyes, Francis Amandy, Jordan Elorde, Edmond Dellosa at dating Mayor Eva Marie Medina. EDWIN ROLLON