PANGALAN NG PLAYERS SA AVC CUP FOR WOMEN INILABAS NG PNVF

creamline

INILABAS kahapon ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ang mga pangalan ng 14 players na sasabak sa Asian Volleyball Confederation Cup for Women simula sa Linggo sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Ang national women’s team ay binubuo ng mga player mula sa newly-crowned Premier Volleyball League Invitational Conference champion Creamline.

Sisimulan ng koponan ang kanilang kampanya kontra Vietnam sa Linggo bago magpahinga sa Lunes.

Ipagpapatuloy ng Pilipinas ang kampanya nito kontra China sa Martes at Iran sa Miyerkoles bago tapusin ang pool play action laban sa Korea sa Huwebes.

Kailangang magtapos ng national women’s team sa top four sa Pool A upang mag-qualify para sa quarterfinals.

Ang fifth-placed team sa Pool A ay magtatapos sa ninth place.

Ang Pool B ay binawasan sa apat na koponan makaraang umatras ang Kazahkstan noong Martes. Ang Pool B ay binibuo ng Japan, Thailand, Chinese-Taipei at Australia.

Apat na players — Alyssa Valdez, Jia de Guzman, Jema Galanza at Risa Sato —ay bahagi ng Philippine squad na nagtapos sa ika-9 na puwesto sa huling AVC Cup for Women competition sa Nakhon Ratchasima, Thailand noong 2018.

Ang iba pa sa 14-women team ay sina Ced Domingo, Jeanette Panaga, Michele Gumabao, Ella de Jesus, Pau Soriano, Kyla Atienza, Fille Cayetano, Kyle Negrito, Rose Vargas, at Tots Carlos.

Si Sherwin Meneses ang head coach at ang kanyang assistants ay sina Karlo Santos at Bok Morado, habang si Mark Caron ang strength and conditioning coach.

Ipinagpatuloy ng koponan ang training nitong Miyerkoles sa PhilSports Arena.