KAPAPASOK pa lamang ng taong 2020 ngunit tila napakarami nang nagyaring malalaking kaganapan hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo. Bago pa man nabalot ng pangamba ang ating bansa ukol sa pagsabog ng Bulkang Taal, umabot muna sa atin ang balita ukol sa pag-atake ng Amerika sa Iran.
Tila hindi maganda ang pagpasok ng 2020 para sa marami. Kalilipas lamang ng kasiyahang dala ng Pasko at Bagong Taon ngunit tila agad itong na-palitan ng pangamba at takot bunsod ng paniniwala ng karamihan tungkol sa posibilidad na pagkakaroon ng World War III.
Tiyak akong marami ang sumusubaybay sa hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng Amerika at ng Iran matapos na magsagawa ng pag-atake ang Amerika sa Baghdad, ilang linggo pa lamang ang nakararaan na siyang pumatay sa mga malalaking personalidad sa hukbong militar ng Iran na sina General Qasem Soleimani at Iraqi Top Commander Abu Mahdi al-Muhandis.
Hindi ko lubusang mawari kung bakit naisipan ni US President Donald Trump na isagawa ang pag-atake. Wala sa mga sinundan nitong pangulo ang gagawa ng kaparehong desisyon nang hindi sumasangguni sa lehislatibong sangay ng kanilang pamahalaan. Tila hindi inisip ni Pangulong Trump ang magiging epekto ng kanyang naging desisyon.
Alam ng mga nakaraang pamunuan ng Amerika na ang mga hindi magandang kahihinatnan ng ganitong desisyon ay magiging mas matimbang kaysa sa maaari nitong matamasang benepisyo kaya walang nangahas na gumawa nito. Ngayon, nangangamba ang buong mundo ukol sa kung ano ang magiging sagot ng Iran sa naging aksiyong ito ng Amerika.
Ang takot at pangamba ay kumakalat nang mabilis sa buong mundo gaya kung paanong mabilis na kumalat ang wildfire na pumatay sa maraming hayop sa Australia. Napakaraming tao na ang nagpapahayag ng takot at simpatiya sa kani-kanilang mga account sa social media. Marami nga ang nag-sasabi na ang nangyaring ito ay maaaring maging mitsa ng World War III. Gaano man natin ipagdasal na hindi mangyari ang ating kinatatakutan, hindi pa rin maitatanggi na ang inaprubahang pag-atake ni Trump ay magdadamay ng ibang bansa lalo na sa mga nasa Middle East.
Ang pangyayaring ito ay may direktang epekto rin sa Filipinas hindi lamang sa seguridad kundi pati na rin sa paglago ng ating ekonomiya. Hindi pa tiyak kung paano maaapektuhan ng pangyayaring ito ang internasyonal na relasyon natin sa Amerika at sa mga bansa sa Gitnang Silangan.
Kung magpapatuloy ang away sa pagitan ng Amerika at ng Iran, maaaring maapektuhan ang mga produktong inaangkat natin mula sa Gitnang Silangan, partikular na ang produkto ng langis. Maaaring tumaas ang presyo nito pati ng kerosene. Sa katunayan, nagbabala na ukol sa pagtaas ng presyo ng diesel at kerosene sa pagpasok ng taong 2020.
Sa kabila ng lahat ng kaguluhan at pangamba ng marami, nakabibilib kung paanong naging mabilis ang reaksiyon ni Pangulong Duterte sa pangyayaring ito. Ipinatawag agad nito ang mga miyembro ng Kongreso upang pag-usapan ang nangyayaring hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng Amerika at ng Iran. Para sa ating Pangulo, ang kaligtasan at seguridad ng ating mga kababayan na nagtatrabaho sa Gitnang Silangan ang kanyang pangunahing inaalala.
Habang ang pangulo ng ibang bansa ay abala sa pagpapahayag ng kanilang paninindigan, si Pangulong Duterte ay nag-utos agad na maglaan ng budget para sa pagpapabalik ng mga OFW mula sa Gitnang Silangan. Nag-utos agad ang ating pamahalaan ng sapilitang pagpapabalik ng mga Filipi-nong nagtatrabaho sa Iraq sa gitna ng tensiyonadong sitwasyon sa Gitnang Silangan.
Hindi na nag-atubili sa pagkilos ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagtiyak ng seguridad ng mga Filipinong nagtatrabaho roon. Tinata-yang 1,600 na Filipino ang kasalukuyang nasa Iran at 6,000 naman ang nakadestino sa Iraq.
Sa kabila ng ilang negatibong komento ng ibang sangay ng ating pamahalaan sa ating Pangulo, hindi naman maitatanggi na mayroon tayong lider na mabilis umaksiyon at magdesisyon sa oras ng mga kagipitan. Hindi tuloy nakapagtataka na napakataas ng approval rating ni Pangulong Duterte na nasa humigit kumulang 80%. Hindi aatras si Pangulong Duterte at lalong hindi palalampasin nito ang pagkakataong makatulong at maprotektahan ang mga mamamayan nito.
Kilala natin si Pangulong Duterte bilang isang matapang na lider kaya maituturing na makasaysayang pangyayari ang makita siyang emosyonal ukol sa seguridad ng mga Filipinong nasa Gitnang Silangan.
Nawa’y hindi maging totoo ang pangamba ng karamihan na ito ay magiging simula ng panibagong giyera. Tayo’y mag-ing mapagbantay sa pamamagitan ng pakikinig sa balita upang maiwasan din ang pangamba na wala namang matibay na basehan. Makatutulong ito upang hindi mabiktima ng mga fake news na nagkalat na sa kasalukuyan.