PANGANGALAGA SA KAPAKANAN NG ATING MGA GURO

DAHIL ipinagdiriwang natin ang National Teachers’ Month kada ika-5 ng Setyembre at World Teachers’ Day sa Oktubre 5, napili natin ang topic tungkol sa ating mga guro na tatalakayin natin ngayon sa ating kolum. 

Dagdag pa riyan, ipinagdiriwang din natin ang Education Week sa kada ikalawang linggo ng Setyembre base sa isinasaad ng Proclamation No. 409, series of 1953, at ang National Literacy Day kada ika-8 ng Setyembre taon-taon.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng halos lahat sa atin na napakaraming problema sa sistema ng edukasyon ng Pilipinas.

Unang-una sa lahat ang kalagayan ng mga estudyanteng Pinoy sa pandaigdigang estado ng edukasyon pagdating sa mga asignaturang Math at Science, maging sa reading comprehension. Napakababa po ng antas ng ating mga mag-aaral kumpara sa kanilang mga ka-kontemporaryo sa ibayong dagat.

Lubog tayo sa learning crisis, sa totoo lang.

At kung hindi ito mabibigyan ng kauklang aksiyon, posibleng magdulot ito ng malaking lamat sa kakayahan ng Filipino learners, makaaapekto sa ating workforce, lalong-lalo na sa takbo ng ekonomiya. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit pinagsikapan talaga ng inyong mga lehislador na maisabatas ang Republic Act 11899 o ang Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2.

Ang inyo pong lingkod ay isa sa mga komisyoner ng EDCOM 2, at dahil dito, pinagbubuhusan natin ng oras ang masinsinang pagrepaso at assessment sa sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas. Layunin natin dito, matumbok ang mga kinakailangang reporma para maibangon naman natin ang estado ng edukasyon sa bansa. Sa loob ng tatlong taon, kabilang sa pag- sisikapan ng EDCOM 2 ang makabuo ng mga polisiya at istratehiya, gayundin ang legislation buillding na ibabase sa mga napagtagumpayan ng kauna-unahang EDCOM. Makatutulong ito sa pagresolba sa mga problema ng Philippine education system.

Matatandaan po natin, sa unang EDCOM noong 1990, ang atin pong namayapang ama na si former Senate President Ed Angara ang namuno. Siya ang naging daan para sa “trifocalization” ng ating education system, tulad ng pagtatalaga sa Department of Education na nakatutok sa basic education; ang Commission on Higher Education para sa higher education at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mga kursong vocational and training.

Isa sa mga pangunahing focus ng EDCOM 2 ang ating mga guro na tinatawag nating puso ng education sector. Lahat na yata ng hirap sa kanilang propesyon, bitbit ng ating teacher. Lahat ‘yan tinitiis nila, mabigyan lang ng maayos na edukasyon ang kabataan — ang ating mga anak.

Ilang taon na ngayon, mula nang tayo ay mapasok sa serbisyo, napakarami na ring batas ang ating isinulong at inihain na naglalayong mapagaan ang kalagayan ng ating mga guro.

Pangunahing layunin din natin na mabigyan sila ng nararapat na tulong para mas magampanan nila ang kanilang tungkulin nang mas maayos. Ngayon ngang 19th Congress, umaabot sa anim na panukalang batas ang inihain natin para sa kapakanan ng ating teachers. Kabilang diyan ang Kabalikat sa Pagtuturo Act na naglalayong itaas ang kanilang taunang teaching allowance sa P7,500 sa unang taon ng implementasyon nito (sakaling maisabatas) hanggang P10,000 sa mga susunod na taon. Lumusot na po ito sa Senado nitong Mayo 22 lamang at ang hinihintay na lang natin ay ang pagpasa rito ng Kamara. Sakaling lumusot na rin sa Kamara, hihintayin na lang natin ang pagpapatibay rito ng Pangulo.

At para mabigyan din natin ng magaan na buhay sa usapang pang-transportasyon sina teachers, inihain din natin ng ating Senate Bill 1169 o ang Teachers Home in School Act. Hangad natin dito na magkaroon ng pansamantalang matitirhan ang mga guro sa loob mismo ng paaralang kanilang pinagtuturuan o kaya naman, sa lugar na malapit sa pinapasukan nilang eskwelahan.

Hindi lang sila makatitipid sa pamasahe, mas makapagpapahinga pa sila at mas magiging masigla sa kanilang pagtuturo dahil nga bawas-pagod din kung hindi na nila kailangan pang bumiyahe pauwi.

Kabilang pa rin sa ating mga panukalang batas ang optional retirement age para sa teachers. Ibig sabihin, mula 60, ibababa ito sa 55 para naman kahit paano ay bata-bata pa silang makapag-retiro at ma-enjoy naman ang buhay pagkatapos ng kanilang napakabigat na pagganap sa kanilang propesyon.