(Panganib ng ASF outbreak pinangangambahan)LOKASYON NG AGRI IMPORT FACILITY KINUWESTIYON

imee marcos

NAIS ni Senadora Imee Marcos na ipaliwanag ng Department of Agriculture (DA) ang pagpili nito sa Subic upang maging site ng P500-million, laboratory-equipped “cold examination facility” para sa agricultural imports, ang una sa uri nito sa bansa.

Nangangamba si Marcos sa mas mataas na panganib ng isa pang African Swine Fever (ASF) outbreak kung ang mga first-border inspection ng pasilidad ay hindi nakabase sa Maynila, kung saan ipinadadala ang karamihan sa mga imported na karne.

“Ano ang niluluto sa Subic, na ang imported na karne at mga pananim ay inililihis sa Maynila?” tanong ni Marcos.

“Ini-import na natin lahat ng pagkain. Pati ba naman sakit?” dagdag ng senadora.

Sinabi rin ni Marcos na ang pag-import ng pagkain ay magiging mas mahal para sa 12 milyong residente ng Metro Manila dahil sa karagdagang gastos sa paghahatid mula sa Subic.

Isang July 18 briefer ng DA ang nagrekomenda ng lokasyon, pagpopondo at pagtatayo ng pasilidad sa Hunyo 2023 kay Pangulong Bongbong Marcos na kasalukuyang namumuno sa ahensiya.

Ayon sa mga taga-Bureau of Animal Industry (BAI), ang proyekto na unang iminungkahi noong 2019 ngunit nalipasan ang pondo noong 2020, ay maaaring itayo noong nakaraang taon sa South Harbor ng Maynila kung saan may isang bakanteng 5,000-square meter na lote, na kilala bilang Block 162, na pinamamahalaan ng Asian Terminals Inc. sa ilalim ng konsesyon na ipinagkaloob ng Philippine Ports Authority.

Pero idinagdag nila na sina dating Agriculture Secretary William Dar at BAI Director Reildrin Morales ang nagtulak para sa pagtatayo ng laboratory-equipped facility sa Subic o Cebu.

“Siyam na taon na ang nakalipas mula nang maging batas ang Food Safety Act, ngunit ang mga inspeksyon sa first-border ay hindi naipapatupad ng maayos. Ang lokasyon ng pasilidad ang susi sa pagtiyak ng kaligtasan at seguridad sa pagkain,” diin ni Marcos.

Bagaman humupa ang mga kaso ng ASF mula nang magkaroon ng outbreak nito sa bansa noong 2019, nagbabala si Marcos na ang isang malaking outbreak ay maaaring ma-trigger muli ng mga kontaminadong pag-import ng baboy at magdulot ng pagsasara ng negosyo at pagkawala ng trabaho sa industriya ng baboy, kakulangan ng mga produktong baboy, at higit pang pagtaas sa presyo ng baboy sa merkado.

Ang mga produktong baboy na umabot ng 545,213,681 kilos ay bumubuo ng humigit-kumulang 54% ng kabuuang inangkat na karne mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, ayon sa BAI.

Ang Spain, Canada, at Brazil ang nag-supply ng 61% ng mga kinakailangan na baboy ng Pilipinas, habang ang iba nama’y sinusuplay ng Belgium, United States, Denmark, United Kingdom, France, at Netherlands.

VICKY CERVALES