LAGUNA – PANIBAGONG dalawang drug suspects ang iniulat na napatay matapos magawa umanong manlaban sa mga kagawad ng Biñan City-PNP Drug Enforcement Unit (DEU) matapos ang ikinasang buy bust operation ng mga ito sa Saint Francis 12, Brgy. San Antonio, lungsod na ito kahapon ng madaling araw.
Ayon sa ulat ni PLt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng pulisya kay Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang napatay na mga suspek na sina Renz Duran Avila, ng Iris St., Phase 3, Brgy. Malusak; at isang Anthony Carpo Carait, ng Brgy. Aplaya, pawang lungsod ng Santa Rosa.
Sa imbestigasyon, bandang alas-3:52 ng madaling araw nang magkasa ng buy bust operation si Mendoza at kanyang mga tauhan sa lugar habang isa sa mga ito ang nagpanggap na buyer nang hindi umano inaasahang mauwi ito sa isang engkuwentro.
Sinasabing agarang pinagbabaril ng mga suspek ang pulisya matapos ang isinagawang transaksiyon dahilan para gumanti ang mga ito ng putok na agad nilang ikinamatay.
Narekober sa mga suspek ang ginamit na dalawang kalibre .38 baril, 7 sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, kulay itim na Rusi na motorsiklo at ginamit na buy bust money.
Sa talaan ng pulisya, lumilitaw na napapabilang sa notoryus na mga drug pusher ang mga suspek sa lugar kung saan matagal na umanong target ito ng mga awtoridad. DICK GARAY