PANIMULA SA BAGONG TAON

INIISIP mo ba kung ano ang magandang gawin sa pagbubukas ng 2024? Paano gagaan ang buhay at magkakaroon ng positibong pananaw bawat araw? Maaari mong subukan ang mga rekomendasyong ito.

Maglista ng pasasalamat sa araw-araw. Maaari kang maglaan ng isang notebook kung saan isusulat mo tuwing umaga (o tuwing gabi bago matulog) ang mga biyayang natanggap mo sa araw na iyon.

Ito ay isang paraan ng pagpapasalamat sa ibinibigay sa atin ng Diyos.

Matututo tayong magtuon ng pansin sa mga positibong bagay sa ating buhay, maliit man o malaki, nang sa gayon ay lalong dumami ang biyaya na ating matatanggap.

Magsimula ng ipon challenge upang itulak ang sarili na mag-ipon ng pera kahit maliit na halaga lamang ito. Isang halimbawa ay ang 52-week challenge kung saan kailangang magtabi ng isandaang piso sa unang linggo ng taon, dalawandaang piso sa susunod na linggo, tatlong daang piso sa susunod na linggo, hanggang sa umabot sa huling linggo ng taon (52nd week).

Mahalaga ang disiplina upang maipagpatuloy at matapos ang ipon challenge. Tandaan lang na sa bandang huli, sa pagtatapos ng taon, napakalaking gantimpala ang naghihintay kapalit ng iyong sakripisyo.

Linisin ang bahay at mga cabinet para sa mas magaang na buhay. Siguradong napakarami nating mga damit at sapatos na hindi ginagamit, o kaya naman ay mga kasangkapan at gamit sa bahay na pwede na nating ipamigay, ibenta, o itapon. Magandang panahon ang pagbubukas ng taon para gawin ito—nakapaglinis ka na, pwede ka pang kumita ng kaunting pera. Malaking ginhawa rin ang dulot ng maayos, malinis, at maluwang na espasyo sa bahay.