PANININGIL SA TUBIG PINASUSUSPINDE

Rep Neri Colmenares

PINASUSUSPINDE ng Bayan Muna ang Manila Water sa pa­ngongolekta ng bayad sa tubig kasunod ng water interruption sa ilang bahagi ng Metro Manila.

May ilang lugar sa Metro Manila ang hindi pa nagkakasuplay ng tubig matapos na ma­ngako ang Manila Water na maibabalik agad ang serbisyo nito.

Giit ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, kung walang sup­lay ng tubig ay dapat na wala rin munang ilalabas na payment collection ang water concessionaire sa mga customer na naapektuhan ng kawalan ng suplay ng tubig ngayong Marso.

Hindi rin dapat pilitin na pagbayarin ang mga consumer sa undelivered water service.

Ang utos sa pagpapasuspinde sa pani­ningil ng Manila Water ay maaaring ilabas sa pamamagitan ng executive order mula sa Pa­ngulo o kaya ay sa MWSS.

Samantala, pinag-aaralan na ng pamunuan ng Manila Water ang hiling ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na huwag munang singilin ang kanilang mga customer hangga’t hindi pa naibabalik ng tuluyan ang supply ng kanilang tubig.

Ayon kay Manila Water president Ferdinand dela Cruz, maingat na pinag-aaralan ng kanilang mga opisyal ang naturang mungkahi lalo na’t malaki ang magiging epekto nito sa kanilang operasyon.

Napag-alaman, sa darating na Lunes nakatakdang makipagpulong ang Manila Water officials sa MWSS para talakayin pa ang hiling ng regulating office.       CONDE BATAC/ BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.