KAAKIBAT na ng kulturang Filipino ang paniniwala sa iba’t ibang pamahiin sa tuwing sasapit ang mga natatanging okasyon sa bansa tulad ng Bagong Taon, Mahal na Araw o Semana Santa, Araw ng mga Patay, at Pasko. Mga lumang paniniwala na madalas ay wa-lang batayan ngunit sinusunod ng marami sapagkat ito na ang nakagisnan o nakasanayan.
Malaki ang nagagawang impluwensya ng pamahiin (“superstitions” sa wikang Ingles) sa takbo ng buhay nating mga Filipino lalo na sa tuwing sasapit ang Bagong Taon na nagiging basehan ng tagumpay.
At sa pagsalubong sa 2019, paniguradong ang ilan ay naghahanda na para sa pagsunod sa ilan sa mga pa-mahiin at paniniwalang ito:
POLKA DOTS NA DAMIT
Isa sa pinaghahandaan ng marami sa atin ay ang susuoting damit sa pagsalubong sa panibagong taon. At ang isa sa paniniwala tungkol dito ay ang pagsusuot ng masasayang kulay na damit na may disenyong bilog-bilog.
Pinaniniwalaan na ang bilog ay nangangahulugan ng pera na nakapagbibigay raw ng suwerte sa buong taon.
BARYA AT PERANG PAPEL
Paglalagay ng maraming barya sa bulsa at ang pag-alog dito sa pagsapit ng alas-12:00 ng hatinggabi.
Gayundin, ang pagbibilang ng perang papel sa harapan ng pintuan dahil pinaniniwalaan na ang pagsasagawa nito ay makapag-bibigay sa inyo ng magandang pasok ng pera sa buong taon.
12 BILOG NA PRUTAS
Bata pa lamang ay kinagisnan ko na ang pamahiing ito, ang paglalagay ng 12 iba’t ibang bilog na prutas sa hapag at pinipili rin ng aking magulang ang paglalagay lamang na matatamis na uri ng prutas dahil sa paniniwalang makapagdudulot ito ng maunlad at masaganang buong taon.
Ngunit bakit nga ba 12 at bilog ang kailangang ilagay na prutas sa hapag?
Marahil ay sumisimbolo ang 12 na bilang sa labing-dalawang buwan sa isang taon at ang bilog ay sumisimbolo naman sa pera.
PAGBABAYAD NG UTANG
Isa marahil ito sa pinakakilalang pamahiin sa pagsalubong sa Bagong Taon. Dahil sinisikap ng marami sa atin na harapin ang pagpasok ng panibagong taon nang walang iniisip na problema sanhi ng pagkakautang. Gayundin, pinaniniwalaan na ang pagsunod sa pamahiing ito ay maglalayo sa iyo sa palaging pagkakaroon ng utang.
PAMPAINGAY AT PAPUTOK
Hindi na rin mawawala sa kultura natin ang pagpapaingay sa pagsapit ng alas-12 ng hatinggabi sa pagpasok ng panibagong ta-on.
Nariyan ang torotot, pagpapatunog ng iba’t ibang kagamitang pang-kusina, pagpito, pagkalampag ng mga lata, pagbusina ng mga sasakyan at pagpapaputok ng firecrackers. Dahil pinaniniwalaang ito raw ay panakot at nagpapaalis ng anumang masasamang espiritu at malas sa papasok na taon.
PAGPUNO SA MGA LALAGYAN
Para sa isang masaganang buong taon, pinaniniwalaan ang pagpuno sa mga lalagyan ng bigas, asin, asukal at iba pang pangunahing pangangailangan sa araw-araw.
IBA PANG MGA PANINIWALA
Paglalagay ng “money tree” sa may pintuan dahil sa nakapagdadala ito ng suwerte.
Paghahanda ng pansit at spaghetti para humaba ang buhay.
Pag-iwas sa anumang putaheng may sangkap na manok upang hindi maging isang kahig isang tuka.
Pagbati sa mga mahal sa buhay ng “Happy New Year” at ang pagkakasama-sama ng buong pamilya at magkakamag-anak upang manatiling matibay ang pagsasama.
At ang pagtalon ng tatlong beses upang tumangkad.
Ilan lamang ito sa mga pamahiing patuloy na umiiral sa kulturang Filipino ngunit ano pa man iyan palagi nating isaisip na ang buhay ng tao ay hindi nakasalalay sa malas at suwerte o sa anumang pamahiin at mga paniniwala.
Tumawag, lumapit at patuloy lamang tayong sumampalataya sa Diyos dahil paniguradong Siya lang ang nakaaalam ng mga mangyayari sa ating buhay at Siya lamang ang may kakayahang makapagpabago nito. (AIMEE ANOC)
Comments are closed.