(Ni CHEN SARIGUMBA-JUSAY)
MAY KANYA-KANYANG tradisyon, paggunita at paniniwala ang mga Filipino kapag Mahal na araw. Ang natatanging okasyon ding ito ay napakahalaga lalo na’t 81 porsiyento ng mga Filipino ay Kristiyano. Naging mahalagang bahagi na rin ng ating buhay ang Holy Week.
Ang mahal na araw ay ang paggunita kung paano tayo iniligtas ni Jesus. Kung paano niya inako ang bawat kasalanan ng mga taong tulad natin.
Ang kanyang pag-ibig ay hindi niya sa salita ipinarating kundi ipinadama niya ito sa pamamaraang kailanman ay hindi natin malilimutan.
Bawat hampas, bawat dugo at sugat na kanyang natamo ay pinilit niyang tiisin mailigtas lamang tayo. Bawat latay sa kanyang katawan ay pagpapahiwatig ng kanyang pagpapahalaga at pag-ibig sa kanyang nasasakupan.
Ni minsan hindi natin naranasan ang ganoong pangyayari sa ating buhay. Hindi natin lubusang nadama ang ganoong uri ng pasakit. Kaunting sakit lamang nagrereklamo na tayo pero hindi natin naisip ang pinagdaanan ni Jesus para lang tayo mailigtas. Masyado tayong marupok at mapintasin sa mga pinagdadaanan natin sa ating buhay. Maaari naman tayong magtiis sa kakaunting bagay.
O mas maiging manalangin tayo kung sakaling nandoon tayo sa panahong pakiramdam natin ay nag-iisa tayo.
Hindi totoong nag-iisa tayo dahil nandiyan ang Diyos na nakahandang makinig, dumamay at samahan tayo sa lahat ng pagsubok. Siya ang laging gumagabay at nagliligtas sa atin sa kapahamakan.
PAGGUNITA SA MAHAL NA ARAW
Ang panahon ng mahal na araw ay isa lamang sa paraan para ipakita natin ang ating pagpapahalaga sa ginawang paglilig-tas sa atin. Maraming mga bagay ang nagpapahiwatig na Mahal na Araw na, hindi mawawala ang palaspas at ang paglalagay ng krus sa noo.
Ang ilan naman ay nagbabasa ng pasyon tuwing gabi. Ganitong paraan natin inaalala ang kadakilaan ni Jesus.
Tuwing sasapit ang Mahal na Araw, marami rin tayong pagsasakripisyong ginagawa. Isa na rito ang paglalakad sa kal-sada at pagpalo sa sarili o pagpipinetensiya. Nariyan din ang hindi natin pagkain ng karne.
MGA PANINIWALA
May mga haka-haka rin tayong nakagisnan. Maraming tao ang nagsasabi na wala raw Diyos kapag mahal na araw. Wa-lang katotohanan ang ga-noong paniniwala, kung walang Diyos titigil na ang pag-inog ng mundo.
Mawawalan ng buhay ang maraming bagay. Wala ring katotohanan na kapag nasugatan ka ng mga panahong ‘yun ay matatagalan bago ito guma-ling. Ang paniniwala natin sa Diyos ang magpapatibay ng ating pananampalataya. Hindi maaaring tayo’y kanyang iiwan.
Sa lahat ng panahon palagi niya tayong inaalalayan at ginagabayan.
IBANG MUKHA
Maraming preparasyon para rito. Ang ilan pinatatahian nila ng damit ang kanilang mga santo na isasama sa prusisyon na talaga namang inaabangan ng karamihan. Mayroon namang naghahanda na ng mga bulaklak na ipapalibot sa santo at maging ang magtutulak o hihila nito ay nakahanay na rin. Sa kanila, sa ganitong paraan nila ipinapakita ang kanilang paggunita.
Sa mga nagtatrabaho naman ang Mahal na Araw ay parte ng kanilang bakasyon. Pagpapahinga at pagsasama-sama ng magkakamag anak ang kanil-ang hinaharap sa ganitong mga araw. Pansamantalang pag-iwan sa mga problema at gawain.
Ngunit hindi ibig sabihin na magsasaya na lamang tayo. Hindi natin nararapat kalimutan ang kabanalang dala ng panahong ito.
Puwede nating ipakita ang kabanalan kung talagang mula ‘yun sa iyong puso nasaan man tayong lugar. Lilitaw at lilitaw ang tunay mong hangarin kung tunay mo ngang naaalala ang ginawang pagsasakripisyo ni Jesus. Hindi natin ito dapat balewalain dahil mahalagang pangyayari ito sa ating kasaysayan.
ILAN SA MGA TRADISYON KAPAG MAHAL NA ARAW
Sadyang hindi nawawala ang mga tradisyon kapag Mahal na Araw. Naging bahagi na rin kasi ito ng ating buhay.
Palaspas
Nanggaling sa pagsalubong kay Hesukristo ang palaspas nang pumunta siya sa Jerusalem. Tinatawag din itong Palm Sunday na ginagawa tuwing Linggo para simulan ang Holy Week. Gawa naman sa dahon ng sagong o kaya niyog ang palaspas.
Marami ring Filipino ang naniniwalang may dalang suwerte ang pagtatago ng palaspas sa bahay.
Pabasa
Isa rin ang pabasa sa hindi maaaring mawala tuwing Mahal na Araw at lagi’t laging ginagawa sa mga probinsiya. Pinaka-popular ito sa tradisyong Pinoy. Nagsisimula naman ang pabasa pagkatapos ng misa ng palaspas.
Sinakulo
Isang dula naman ang Sinakulo na ginagawa upang alalahanin ang paghihirap ni Kristo bago siya ipako sa krus.
Visita Iglesia
Kadalasang ginagawa sa Huwebes o Maundy Thursday ang Visita Iglesia o “Way of the Cross”.
Sa ganitong panahon nagpupunta ang mga pamilya sa iba’t ibang simbahan para magdasal, gayundin ang pag-alala sa mga paghihirap na pinag-daanan ni Hesukristo.
Salubong o Pasko ng Pagkabuhay
Sa Salubong naman o Pasko ng Pagkabuhay ay inaalala ang muling pagkabuhay ni Kristo matapos ang tatlong araw, at ang lahat ay natutuwa at na-gagalak sa muling pagbangon ni Kristo.
Kaya ito tinatawag na Salubong dahil sinasalubong ng mga tao ang pagbabalik ni Kristo.
PAGGAWA SA SEMANA SANTA
Hindi porke’t wala tayong pasok ay magsasaya na lamang tayo. Maaari naman tayong magbakasyon pero dama pa rin o nasa ating puso pa rin ang paggunita sa Mahal na Araw.
Maaari tayong pumunta sa pinakamalapit na simbahan at doon tayo magnilay-nilay. Sumama sa mga padasal at subukan nating ipaunawa sa ating mga anak ang kahalagahan ng araw na ito.
Subukan din nating magpunta sa mga lugar kung saan maaari nating ipakita ang ating pakikiisa sa naturang okasyon.
Ang ganitong panahon ay ang pag-alala kung gaano tayo kamahal ni Jesus at ng Diyos.
Maaaring maging panahon ito ng pamamahinga dahil tayo’y pagod sa mahabang paggawa at sa nakaka-stress na tra-baho pero hindi ito sapat na dahi-lan upang kalimutan natin ang pinakamensahe ng mahal na araw.
Ang pag-ibig ni Jesus ay walang kamatayan at walang katapusan. Hindi naman siguro masama o kalabisan kung kahit minsan ay maipakita natin sa kanya na pinahahalagahan at inaalala natin ang ginawa niyang pagliligtas sa sangkatauhan. Nalalapit na ang kanyang pagbabalik at mas mabuting sa kanyang pagbabalik ay makita niyang ang lahat ng kanyang ginawa sa atin ay pinahahalagahan at isinasabuhay natin.
Comments are closed.